MANILA, Philippines – Naging emosyonal si Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde habang itinanggi ang alegasyon na siya at ang kanyang ama ay sangkot sa korapsyon kaugnay ng flood control projects.
Ayon sa contractor couple na sina Pacifico at Sarah Discaya, tumanggap ng pera ang ama ni Atayde upang hindi maantala ang proyekto.
“My father is also willing to go to the investigation. Wala po kaming tinatago. Hindi ako magta-tago. Hindi ako iiwas. Hindi ako lilipad ng ibang bansa. I am here to thoroughly go through the investigation and fight for my innocence po,” ani Atayde sa pagdalo sa close-door investigation ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Nilinaw niya na ang lahat ng flood control projects sa kanyang distrito ay inisyatiba ng DPWH, ganap na naitala, at walang “ghost projects” o ninakaw na pondo. Idiniin din niya na wala siyang koneksyon kay Pacifico Discaya.
Iginiit din ni Caloocan 3rd District Rep. Dean Asistio na hindi siya tumanggap ng pera at isang beses lamang nakilala ang Discayas noong 2024 awarding ceremony.
Parehong humiling ang dalawang kongresista ng executive session at hinamon ang Discayas na patunayan ang kanilang alegasyon.
“First and foremost, paano ko ika-counter? Wala nga po silang pruweba. For me, just give us proof first,” ani Atayde. RNT