MANILA, Philippines – Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Customs (BOC) sa ilang personnel ng X-ray Inspection Project (XIP) kaugnay ng umano’y iregularidad sa operasyon, matapos itong mailahad sa isang senate hearing at sa mga internal reports ng ahensya.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, kasalukuyang iniimbestigahan ang isang Mr. Bibingka dahil sa posibleng pagkakasangkot sa ‘di umano’y document tampering upang magkaroon ng tinatawag na TARA.
Sa layuning masiguro ang integridad ng imbestigasyon, iminungkahi ang pansamantalang paglilipat o pag-relieve sa ilang opisyal sa kanilang puwesto habang isinasagawa ang audit at imbestigasyon.
Batay sa mga ulat, kabilang sa mga isinasailalim sa review ang ugnayan ni Mr. Bibingka sa mga brokers, importers, at iba pang parties na may kinalaman sa operasyon ng departamento.
Ikinokonekta si Mr. Bibingka sa kanyang koneksyon sa isang senior government official.
Nilinaw ni Nepomuceno na layunin ng BOC na mapanatili ang transparency at maiwasan ang anumang impluwensya habang nagpapatuloy ang pagsusuri.
Hinimok ng komisyoner ang lahat ng empleyado na makipagtulungan sa imbestigasyon at iginiit ang kahalagahan ng malinis at maayos na operasyon sa XIP.
Walang opisyal na pahayag o desisyon pa ang BOC tungkol sa mga paratang laban sa partikular na opisyal hanggang sa matapos ang proseso ng imbestigasyon. RNT