MANILA, Philippines – Walang nakitang paglabag ang Political and Finance Department (PFAD) ng Commission on Elections sa umano’y illegal na campaign donation kay Senator Chiz Escudero noong 2022.
Ayon sa inilabas na resolusyon, magkaiba ang legal entity ni Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development, sa mismong korporasyon, at walang ebidensiyang nagpapatunay na ang ₱30 milyong donasyon ay galing sa Centerways.
Iginiit ni Lubiano na ang kontribusyon ay mula sa sarili niyang pera.
Sinabi ng COMELEC na walang legal na hadlang sa pagtanggap ng donasyon at inirekomendang itigil ang imbestigasyon dahil walang sapat na basehan para sa paglabag sa Section 95(c) ng election law.
Nananatiling sarado ang kaso maliban kung may bagong ebidensiya. Ang resolusyon ay bahagi ng motu proprio investigation laban kina Escudero at Lubiano. Jocelyn Tabangcura-Domenden