BULACAN, Philippines – Patay ang isang lalaking fishpond caretaker nang barilin ng pikon na kainuman sa bayan Bulakan nitong gabi ng Nobyembre 26.
Sa ulat ni PLTCOL Rodelisa San Buenaventura, Acting chief of police ng Bulakan police station, kinilala ang biktima na si alyas “JC”, 58, residente ng Brgy. Bambang habang ang suspek ay si alyas “Rey”, 54, construction worker ng Brgy. Matumgao.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente ng pamamaril bandang 10:30 ng gabi sa San Miguel st, Brgy. Matungao.
Nang makarating sa mga awtoridad ang nangyari ay agad silang rumesponde sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang nakahandusay na biktima sa gilid ng dike na may tanim na kangkong habang tumakas ang suspek.
Nabatid na humingi ng tulong ang mga awtoridad sa mga kalapit na barangay na posibleng daanan at pagtaguan ng suspek.
Bandang 6:30 ng umaga kinabukasan, isang tawag ang natanggap ng istasyon mula sa Tanod ng Brgy. San Francisco tungkol sa lalaking kahina-hinala na tumugma sa deskripsyon ng suspek na nakasuot ng basang damit, naka-itim na shorts, sleeveless shirt, lousy hat, tsinelas at may dalang itim na bag.
Sinita umano ng mga tanod ang lalaki na kung siya si alyas Rey na agad naman itong umamin kaya agad siyang dinakip.
Dinala ang suspek sa istasyon para sa wastong dokumentasyon at imbestigasyon na nahaharap sa kaukulang kaso.
Sinasabing posibleng nagkaroon ng diskusyon ang magkainuman kaya nagawang barilin ng suspek na umanoy madaling mapikon kapag nalalasing kaya ultimo kanyang biyanan at bayaw ay kanyang binaril ng sumpak nang minsang malasing at ma-badtrip. (Dick Mirasol III)