Home NATIONWIDE P110M ‘katiting lang’: Kickback sa flood control scandal, binatikos ni De Lima

P110M ‘katiting lang’: Kickback sa flood control scandal, binatikos ni De Lima

259
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na ang P110 milyon na ibinalik sa Department of Justice (DOJ) ni dating DPWH district engineer Henry Alcantara ay “katiting lang” kumpara sa napakalaking kickback mula sa mga maanomalyang proyekto.

Ayon kay De Lima, dapat gayahin ng iba pang sangkot sa flood control projects corruption scandal—na yumanig sa administrasyong Marcos—ang ginawa ni Alcantara. Dagdag niya, naghahanap pa rin ng buong pananagutan ang publiko.

Hinikayat niya ang gobyerno na pabilisin ang pagsasampa ng kaso at pagbawi ng mga nakaw na yaman. Hindi raw sapat ang paunti-unting pagsasauli ng pera.

Ipinaliwanag niya na kaya sila sa House Liberal Party Bloc ay naghain ng House Resolution No. 524, para siyasatin ang estado ng pagbawi sa ill-gotten o unexplained wealth ng mga sangkot sa pinakamalaking corruption scandal sa bansa. Layunin nitong tukuyin ang kakulangan sa implementasyon, tiyakin ang accountability, at magmungkahi ng mga batas para mas mapaigting ang anti-corruption efforts.

Binanggit din ni De Lima ang kanilang panukalang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) Law, na magtatatag ng mas malakas, patas, at tunay na independent na komisyon para imbestigahan ang anomalya sa mga proyekto ng gobyerno. Aniya, hindi dapat on-and-off ang pagdinig dito.

Dagdag pa niya, bukod sa pagbabalik ng pera, dapat bantayan kung saan gagamitin ang mababawi. Dapat malinaw ang plano ng gobyerno at siguraduhing may benepisyo ito para sa taumbayan.

Ani De Lima, malinaw ang saloobin ng mga Pilipino: hindi sapat na ikulong ang mga kurakot—dapat ibalik ang nakaw na yaman. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here