MANILA, Philippines – Pinaghahanap pa rin ng Philippine Consulate General sa Hong Kong ang 13 Filipino na nakalista bilang residente ng Hong Kong high-rise buildings na nasunog noong Miyerkules.
“Ang hinahanap namin ngayon I think nasa 13 na lang for verification,” pahayag ni Philippine Consul General in Hong Kong Romulo Victor Israel Jr. sa panayam ng DZMM.
Sa database ng pamahalaan, mayroong 83 Filipino ang naka-address sa nasunog na Wang Fuk Court residential estate sa Tai Po district sa Hong Kong.
Naberipika namang ligtas ang nasa 70 Filipino, kabilang ang iba na nakauwi na sa Pilipinas o nakalipat ng tirahan bago mangyari ang insidente.
Pinaghahanap din ng mga awtoridad ang isang Filipino na pinaniniwalaang nasa loob ng gusali nang mangyari ang sunog.
“May isang kababayan tayo na hinahanap. There’s a possibility na kasama nga sya dun sa mga nasawi pero we are still verifying at this moment.”
Sa huling ulat ay umabot na sa 128 ang mga nasawi sa matinding sunog sa Hong Kong.
Tumutuloy sa temporary shelters na ibinigay ng Hong Kong government ang mga apektadong Filipino.
“I believe meron pa silang plano to rehome yung ating mga workers and give them the chance to look for another opportunity to work sakaling hindi na sila kayang i-absorb ng dati nilang employers,” ani Israel.
Siniguro naman ni Israel na ang Filipina na naunang iniulat na nasa intensive care unit ng isang ospital ay nananatiling nasa stable na kondisyon. RNT/JGC