Home NATIONWIDE Pambato ng PH sa Mrs. Asia Pacific International 2025, proud ‘Batang Gapan’

Pambato ng PH sa Mrs. Asia Pacific International 2025, proud ‘Batang Gapan’

319
0

MANILA, Philippines – Mainit at buong suportang sinalubong ni Gapan City Mayor Emary ‘Joy” Pascual ang pambato ng Pilipinas sa gaganaping Mrs. Asia Pacific International 2025 na si Novelyn Natividad.

Si Natividad na isang negosyante at tubong Gapan City ay sasabak sa nasabing prestihiyosong beuty pageant na idaraos sa Singapore at Malaysia sa December 2 hanggang December 7, 2025.

Nasa tatlumpung kandidata mula sa iba’t ibang bansa ang kalahok sa nasabing kompetisyon.

Ayon kay Mayor Pascual, buo ang kanyang suporta sa kanilang kababayan na si Natividad.

“Proud na proud po ako na isang Batang Gapan po ang kakatawan sa Mrs. Asia Pacific kasi napaka-prestigious po nito. Nabalitaan ko nga po na from 30 different countries ‘yung maglalaban-laban at ‘yung reigning queen po ay mula rin sa Pilipinas kaya bilang isang Batang Gapan ay ipinagmamalaki natin ang ating pambato. May tiwala po ako sa kakayahan ni Mrs. Natividad,” ayon sa alkalde.

Pinasalamatan ng alkalde si Novelyn dahil bukod sa pagbibigay inspirasyon sa kababaihan at sa mga ilaw ng tahanan, malaking tulong aniya ang kandidata para lalo pang makilala ang lungsod, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa maging buong mundo.

Wala namang mapagsidlan ng kasiyahan si Novelyn sa mainit na pagtanggap at suporta sa kanya ng lokal na pamahalaan ng Gapan City at ng kanyang mga kababayan.

Ang nasabing beuty pageant ay nagsimula noong 2021 at kabilang ang Pilipinas sa nagwagi at nakapag-uwi na ng korona mula sa iba’t ibang kategorya.

Matinding paghahanda ang ginagawa sa kasalukuyan ni Novelyn para maiuwi ang titulo ngayong taon.

“Hindi hadlang ang edad para sumali sa ganitong kompetisyon at siguro bilang nanay, kailangan nating ipakita na ang pagiging nanay ay hindi lang ordinaryo. Bukod sa pagmamahal natin sa pamilya natin, sa magulang, sa mga anak at sa kaibigan, dapat din nating ipakita ang pagmamahal sa bayan natin. Sa international platform na ito, maipakikita natin na ang isang ina ay isang mabuti at magandang halimbawa,“ sabi ni Novelyn. MARINA BERNARDINO-SY

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here