Naghain ang Commission on Audit (COA) ng apat na Fraud Audit Reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mahigit P297 milyong flood control projects sa Bulacan na tinukoy na may seryosong iregularidad, kabilang ang mismatched sites, ghost projects, at kwestiyonableng accomplishments.
Lahat ng proyekto ay ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng Bulacan 1st District Engineering Office (DEO), at in-award sa Wawao Builders, gayundin sa isang joint venture ng Wawao at SYMS Construction and Trading. Ayon sa COA, paulit-ulit at matitindi ang indikasyon ng maling paggamit ng pera ng taong-bayan sa mga proyektong ito.
Batay sa isinagawang technical inspection, review ng satellite imagery, at fraud audit procedures, nadiskubre ang kawalan ng aktuwal na istruktura sa mga aprubadong lugar kahit idineklarang tapos na ang mga proyekto.
May mga pagkakataon ding inilipat umano ang mga proyekto sa ibang lokasyon nang walang sapat na dokumentasyon o pahintulot. Sa ilang aprubadong site naman, natagpuan ang mga dati nang umiiral na istruktura bago pa igawad ang kontrata, na nagpapahiwatig na maaaring nabayaran ang mga proyektong hindi naman bagong itinayo.
Tinukoy rin ang malalaking kakulangan sa Statements of Work Accomplished, As-Built Plans, at mga papeles sa relokasyon.
Ang FARs ay alinsunod sa direktiba ni COA Chairman Gamaliel A. Cordoba noong Agosto 12, 2025 para sa agarang fraud audit ng flood control projects sa Bulacan mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025.
“Layunin ng audit na matiyak na bawat pisong ginagastos ay napupunta sa tunay at epektibong imprastruktura na nagpuprotekta sa mga komunidad laban sa pagbaha,” ayon kay Cordoba.
Ginawa ng COA chief ang kanyang kautusan kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa higit na transparency at accountability sa paggastos ng pondo ng gobyerno.
Kabilang sa mga kwestyonableng proyekto ang konstruksyon ng flood mitigation structure sa Brgy. San Nicolas, Hagonoy na nagkakahalaga ng P77.19 milyon, riverbank protection structure sa Brgy. Iba, Hagonoy na P74.19 milyon, flood control structure sa Guiguinto River, Malis Section na P96.49 milyon, at flood control structure sa Brgys. Virgen Delos Flores, Sta. Barbara, at Tiaong, Baliuag na nagkakahalaga ng P49.49 milyon, na isinagawa sa ilalim ng joint venture ng Wawao at SYMS.
Kabilang sa mga pinangalanang sangkot sina Engrs. Henry C. Alcantara, Brice Ericson D. Hernandez, Jaypee D. Mendoza, Ernesto C. Galang, Paul Jayson F. Duya, Jolo Mari V. Tayao, Mark Lester S. Castro, John Michael E. Ramos, Lemuel Ephraim S.D. Roque, Sheena Bernadette B. Morales, at Rafaelito M. Marcelo, at pati sina Mark Allan V. Arevalo ng Wawao at Sally N. Santos ng SYMS.
Posible silang maharap sa mga kasong graft and corruption, malversation, at falsification of documents alinsunod sa Revised Penal Code at Anti-Graft and Corrupt Practices Act. RNT