MANILA, Philippines – Pumanaw na si Alonzo Saclag Sr., isang tanyag na Kalinga musician, dancer, at cultural advocate na kinilala bilang Gawad sa Manlilikha ng Bayan (National Living Treasure for Traditional Performing Arts) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 2000 dahil sa kanyang mga likha upang ingatan ang Kalinga indigenous art.
Si Saclag ay pumanaw sa edad na 83 nitong Sabado, Nobyembre 29, sa Lubuagan.
Hindi naman ibinahagi ang dahilan ng kanyang kamatayan.
Sa Facebook post, sinabi ng anak nito na si dating Lubuagan vice mayor Alonzo Saclag Jr. na isang linggo bago mamatay ang kanyang ama ay sinabi nito na, “I want to entertain you, but I need to rest,” na tila umano isang premonisyon sa paparating na kamatayan.
Ipinanganak si Saclag noong Agosto 4, 1942 at itinatag ang Kalinga Bodong Dance Troupe at ipinakilala ang traditional gong music, ayon kay Lubuagan Tourism and Cultural Officer Ansherina Rose Odiem-Mosing.
“We pray for comfort, strength, and healing for the whole family during this difficult time. May his legacy continue to inspire us all,” dagdag nito.
Inilaan ni Saclag ang buhay nito sa pagpreserba ng traditional music, dance, at ritwal ng mga taga-Kalinga.
“You raised us with love and simplicity, and your legacy will always live in us.”
Kilala bilang si Kezu, Alonzo Sr., itinatag din nito ang Awichon Cultural Village, isang learning hub para sa pagtuturo at pagpapakilala ng kulturang Kalinga sa mga tao lalo na sa mga kabataan at mga bumibisita rito.
Inilarawan ng lokal na pamahalaan ng Lubuagan ang kontribusyon ni Saclag bilang “a lasting legacy of cultural preservation and inspiration for the Philippines’ indigenous communities.”
Tinukoy siya bilang “Kalinga master of dance and the performing arts” na naging misyon na ang lumikha at magpalago ng kamalayan at pagpapahalaga sa kulturang Kalinga.
“Your dedication and efforts in preserving Kalinga’s rich cultural heritage will always be remembered,” pahayag ng Lubuagan town government. RNT/JGC