CEBU, Philippines – Halos isang buwan matapos ang hagupit ng Bagyong Tino, tuloy-tuloy pa rin ang Cebu City government sa search and retrieval operations para sa anim na nawawala.
Ayon kay City Councilor Dave Tumulak, chairman ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council, walang tigil ang trabaho ng kanilang mga team.
Ang anim na nawawala ay mula sa hilagang bahagi ng Cebu City at nakatira sa mga komunidad malapit sa ilog.
Inanunsyo ni Tumulak na magkakaroon ng profiling sa December 17, 2025, kasama ang Management of the Dead and Missing (MDM).
Isa sa mga aktibidad ay ang DNA testing para magkaroon ng record ng mga kamag-anak. Makakatulong ito para agad makilala ang anumang maa-recover na katawan.
Makikipagpulong din sa parehong araw ang mga pamilya ng mga nawawala sa city government.
Binigyang-diin ni Tumulak na mahalaga ang DNA testing para maiwasan ang pagkalito sa pagkilala sa mga bangkay.
Binanggit niya ang isang kaso kung saan dalawang pamilya ang parehong nag-claim sa isang katawan na nahanap sa Compostela dahil pareho ang suot.
Nakilala lamang ito nang may nakapansin sa sing-sing ng biktima.
Ibinahagi rin niya na isa pang katawan ang nakuha sa Cotcot River noong November 27. Nailibing na ito pero hinihintay pa ang DNA result para makilala.
Sinabi ni Tumulak na ginagawa ng lungsod ang lahat para mahanap ang anim na nawawala, lalo na’t humingi ng tulong ang kanilang mga pamilya.
Nakipag-ugnayan na sila sa mga disaster response teams ng Compostela at Liloan, at tumutulong din ang MDM sa pagkilala sa mga bangkay.
Araw-araw nagtratrabaho ang mga tauhan kahit mahirap ang lugar at may masangsang na amoy mula sa mga patay na hayop.
“Hindi natin puwedeng ihinto ito dahil alam natin ang hirap at sakit ng loob ng mga pamilya,” sabi niya.
Noong November 26, 2025 43 katao ang naiulat na nawawala sa Cebu Province, mahigit 11,000 pamilya ang nawalan ng tirahan, at 96 ang namatay dahil sa malawakang pagbaha na sumira sa ilang lugar. RNT/MND