MANILA, Philippines – Malapit nang palayain ng mga Houthi ang siyam na Filipino crew ng M/V Eternity C, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes.
Ayon sa DFA, ibinahagi ng mga awtoridad ng Sultanate of Oman ang update habang sila ang tumutulong para sa pagpapalaya ng mga Pinoy seafarers.
Walang ibinigay na eksaktong petsa, ngunit inihayag na ililipat ang mga Pilipino mula Sana’a, Yemen patungong Muscat, Oman.
“The Philippine Embassy in Muscat and the Migrant Workers Office-Muscat will make arrangements for the safe and immediate return of the Filipinos to the Philippines,” pahayag ng DFA, kasabay ng pasasalamat sa Oman.
Tinalakay ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Omani Foreign Minister Sayed Badr bin Hamad El-Busaidi noong Hulyo at muli sa isang tawag noong Nobyembre.
Binihag ang siyam matapos lumubog ang barko dahil sa drone attack ng mga Houthi noong Hulyo. May 22 crew ang barko—21 dito ay Pilipino. Walo ang nasagip, tatlo ang nasawi, at isa ang nawawala. Dave Baluyot