SINUSPINDE ng nakararaming kongresman si 4th District Cavite Representative Francisco “Meow” Barzaga at hindi ito makauupo bilang mambabatas sa Kamara sa loob ng 60 na araw.
Kasama sa suspension ang pagkakait din sa kanya ng sahod at benepisyo sa nasabing dalawang buwan at pag-uutos sa kanya na tanggalin nito ang mga pahayag niya sa social media.
May 249 na bumoto para sa kanyang suspension habang 5 ang nagtanggol sa kanya at 11 ang nag-abstain o walang boto.
Ayon sa mga lumalabas na balita, hindi umano kumikilos at nagsasalita si Barzaga nang naaayon sa inaasahan sa isang honorable kongresman.
Matapos ang botohan, inihayag ni Barzaga ang kanyang pagtanggap ng parusa sa kanya ngunit nanindigan sa paniniwalang may krimen si Pangulong Bongbong Marcos na ikinamamatay ng marami, partikular ang mga namatay sa baha sa Cebu at iba pa.
Multi-bilyong pagnanakaw sa kaban ng bayan ni Marcos, kasama si ex-Speaker Martin Romualdez at presidential son Congressman Sandro Marcos at iba pa ang isa sa mga sentro ng mga inihahayag ni Barzaga na hindi nagustuhan at hindi natanggap ng nakararaming kongresman.
Ang limang hindi bumoto sa resolusyon na suspendihin siya ay nagsabing usapin ang kaso ng kalayaan sa pamamahayag na protektado ng Konstitusyon at mas ginusto ng nakararami na hayaan ang mga magnanakaw na magnakaw habang pinarusahan ang hayagang nagsasalita kontra sa mga magnanakaw.
Sa ngayon, may 8 nang kongresman ang kinasuhan ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, partikular sa mga ghost at substandard na flood control project.
Nasama na ring batayan ni Barzaga sa kanyang mga pahayag sa nakawan ang akusasyon ni ex-Ako Bikol Representative Zaldy Co laban kay Pang. Bongbong, Romualdez at Sandro.
Simple lang naman ang kahilingan ng pitak na ito.
Ilabas sa media lahat na bumoto ng YES sa pagsuspinde kay Barzaga, bumoto ng NO at nag-ABSTAIN.






