MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla sa Kamara na magkaroon ng pagrepaso sa Train Law gayundin sa Expanded Value Added Tax (EVAT) upang maibsan ang financial strain sa mga pamilyang Pilipino, lalo na sa mga middle class.
Sa isang privilege speech sa Kamara, sinabi ni Revilla na ang middle class ang maituturing na “backbone” ng ekonomiya subalit sila rin ang napapatawan ng pinakamataas na buwis. Aniya, kung marerebyu ang Train Law ay maaaring bawasan ang personal income taxes na magbibigay-daan para tumaas ang take-home pay.
“Allowing families to retain more of their hard-earned income would help them manage rising living costs,” ani Revilla.
Dagdag pahirap din umano ang EVAT. Aniya, ang isang pamilya na gagastos ng ₱20,000 kada buwan ay mapapatawan ng ₱2,400 sa VAT o ₱28,800 kada taon, na maaari na sanang maging savings o dagdag sa iba pang gastusin.
Ani Revilla, dapat ding magkaroon ng reporma sa electricity charges upang hindi na magpataw ng system loss charge, na dagdag pasanin pa, gayundin ang pagkakaroon ng maayos na healthcare.
“64 percent of Filipinos were unable to cover even a ₱10,000 hospital bill without borrowing,” giit ni Revilla.
Ipinaliwanag ni Revilla na kumpara sa mga indigent households, ang mga middle-income earners ay karaniwang hindi pasok sa government medical aid at hindi rin nakatatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
“Without intervention, the middle class will continue to face increasing vulnerability, especially during economic shocks and natural calamities,” paliwanag ni Revilla.
Hinimok ni Revilla ang Kamara na magsulong ng multi-committee investigation at national consultation para makabalangkas ng middle-class relief package.
“These reforms are essential if we want to secure the stability of our households and keep the middle class from sliding into poverty. If we are serious about achieving a predominantly middle-class society under AmBisyon Natin 2040, we must begin by easing the burdens carried by those who keep our economy running every single day,” pagtatapos pa ni Revilla. Gail Mendoza