Manila, Philippines – Dalawang beses nang gumawa ng gay role sa pelikula si Eric Quizon. Una ay sa Pusong Mamon noong 1998, na pinagbidahan nila nina Lorna Tolentino at Albert Martinez.
At ngayon ay sa isang comedy film pa rin na Jackstone 5, na bida sina Gardo Versoza, Jim Pebengco, Arnel Ignacio, at Joel Lamangan, na siya ring direktor ng pelikula.
Kahit kinukwestyon noon pa ang sekswalidad ni Eric, tuloy pa rin siya sa pagtanggap ng gay role.
Dahil dito, muling naungkat ang bading isyu sa kanya.
“Bahala sila kung ano ang gusto nilang isipin. ‘Yun lang ‘yun,” reaksyon ni Eric.
Tungkol naman sa maraming nagsasabi na siya na ang next Dolphy, dahil gaya ng kanyang namayapang ama ay mahusay din siya sa comedy, ang reaksyon ni Eric: “Being the next Dolphy, parang hindi. Parang marami pa akong kakaining bigas. There’s only one Dolphy.”
Nakausap namin si Eric sa media con ng Jackstone Five.