UMIIYAK ang Malacañang kasabay nang pagsasabi na biktima raw sila ng “fake news,” na isang katotohanang hindi nila kayang harapin na ang pinakamalakas magpakalat ng fake news ay hindi ang kung sino-sinong kritiko, kundi ang mismong taong nakaupo malapit sa Pangulo.
Kilalang-kilala ang opisyal na ito ngayon hindi lamang sa pagbaluktot ng impormasyon kundi pati sa palengkera at sigaw-ulat na paraan ng pagsasalita na parang laging may kaaway kahit wala.
Habang paulit-ulit na sinasabi ni Pangulong Marcos Jr. na kailangan ng “malaking operasyon” para tanggalin ang “kanser” ng katiwalian, tila hindi niya napapansin na ang isa sa nagiging impeksyon sa Malacañang ay mismong nasa kanyang bakuran na ang mga kuwento ay kadalasang walang datos at walang matibay na batayan.
Sa bawat pahayag nitong opisyal na ito, mas lumalabo ang katotohanan kaysa luminaw. Minsan ay mali ang datos, minsan ay mali ang konteksto, at madalas ay puro drama at sigaw na parang nasa palengke at hindi sa isang tanggapan ng Estado.
Kaya naman nakatatawa, kung hindi lang nakasusuka na biglang magtatatalak ang Pangulo tungkol sa fake news. Sino ba talaga ang nagpapakalat nito? Hindi ba’t nasa kampo niya mismo?
Madalas sa hindi, ayon sa obserbasyon ng publiko at ng media, tila ba ang alam na trabaho nito ay gumawa ng gulo, hindi linawin ang katotohanan.
Humihingi ang Pangulo ng tulong sa media para labanan ang disimpormasyon. Pero paano tutulong ang “press” kung bawat pagsisikap nilang itanong ang totoo ay sinusupalpal ng mismong opisyal na dapat nagbibigay-linaw?
Paano magtitiwala ang mamamayan kung ang nakikita nila ay bangayan, pamemersonal, at pagbaluktot ng impormasyon—na ang tagapaghatid pa ay walang preno at bastos kung magpaliwanag?
Tama ang Pangulo: damaging ang fake news. Pero lalo itong nagiging damaging kung ang pinagmumulan ay opisyal ng gobyerno na dapat sana’y pangunahin sa paghahatid ng tama at mahinahong impormasyon.
Kung seryoso ang administrasyon na sugpuin ang disimpormasyon, dapat simulan na ngayon sa loob mismo ng Palasyo. Dahil mahirap kumbinsihin ang taumbayan na magtiwala habang ang taong pinakamasipag magsalita ay siya ring pinakamasigasig magparami ng ingay, kalituhan, at ka-eklatang wala namang naitutulong sa bayan.
Bago makipag-away sa fake news sa labas, linisin muna ang fake news sa loob. Pagkatapos, saka sila magmalinis sa publiko.






