KALIWA’T kanan ang batikos kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa dahil sa patuloy nitong pagliban sa mga sesyon ng Senado mula nang napabalitang may Mandamiento de Arresto laban sa kanya mula sa International Criminal Court.
Hindi na rin nagawa pang magpakita ni Bato kahit sa mga social media o interbyu sa mga telebisyon at radyo dahil sa posibleng pag-aresto sa kanya saan man ito matalisod ng mga awtoridad. Pwede raw sana sa Senado pero mukhang walang tiwala si Bato sa kanyang mga kasamahan lalo sa mayorya.
Kilala si Bato na matigas lalo na sa pagiging pulis nito hanggang sa siya ay maging senador subalit kakaiba ang kanyang naging aksyon sa mga panahon na ito dahil pihadong sa The Hague ang tungo nito sakaling totoo ang Mandamiento de Arresto.
Heto na ngayon ang mga urot! Umeksena ang mga kilalang personalidad maging ng ilang grupo nang ipanawagan nila na dapat umaksyon ang Senado laban kay Bato na alam ng lahat na kabilang ito sa minorya o oposisyon.
Wala raw aasahan si Bato sa kasalukuyang administrasyon upang ipagtanggol laban sa umano’y utos ng ICC na arestuhin ito lalo na’t mismong ang kanyang dating amo na si dating Pangulong Digong ay bigla na lang nagising isang araw na nasa The Hague na ito.
Hindi kauna-unahan sa kasaysayan ng Senado na mayroon nagtago upang maiwasan ang pagdampot sa kanila ng mga otoridad sa panahon na kilala ang mga ito na kritiko ng administrasyon gaya nila Senador Ping at Gringo.
Sana naman ay walang komento itong si dating Senador Sonny Trillanes kay Bato dahil dapat ay alam niya ang pakiramdam ng isang kritiko ng administrasyon dahil sinapit niya ang ganitong estado noong panahon ni Pangulong Digong.
Bagaman humarap ito ay may pagkakataon na natulog pa ang dating senador sa kanyang opisina sa Senado noong mga panahon na iyon. Inamin pa nito na hindi siya nakatutulog ng maayos dahil sa inabot nitong kalagayan.
May pagkakapareho ang apat na senador na dumanas daw ng panggigipit dahil sa pagiging oposisyon. Silang apat ay tinatawag na ‘Cavaliers’ o yung mga nagtapos sa tanyag na Philippine Military Academy kaya pihadong utak-sundalo ang mga ito.
Pero sa apat ay masasabing kakaiba itong kay Bato dahil korte ng dayuhan ang lilitis sa kanya sakaling masakote. Kaya kung binabato man si Bato ng mga mapagkunwaring makabayan ay tiyak na hindi ito kusang-loob na lulutang. Mangyari na ang mangyari?






