MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang hinihinalang mga ismagel na sigarilyo na nagkakahalaga ng P29.46 milyon at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P13,000 sa Lebak, Sultan Kudarat, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Disyembre 5.
Ang pagkakadiskubre ay kasabay ng pagsasagawa ng search warrant ng pulisya madaling araw ng Huebes sa address ng isang negosyanteng kinilala lamang sa pangalang “Chong” sa Barangay Kinudalan.
Ang mga warrant ay para sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Act; at RA No. 9516, na nagpapataw ng mahigpit na parusa sa pagdadala at pagbebenta ng mga pamapsabog.
“During the search, operatives recovered four heat-sealed sachets of suspected shabu weighing approximately 2 grams, valued at P13,600,” paliwanag ng PNP.
“Incidental to the lawful search, police operatives also uncovered a massive stockpile of smuggled cigarettes… The contraband carried a Bureau of Customs standard price of P29,467,500,” dagdag pa.
Hindi naman sinabi ng PNP kung natagpuan sa naturang address ang baril o pampasabog na target ng search warrant.
Sa kabila nito, sinabi ng Police Regional Office Soccsksargen (PRO 12) na ang suspek na si Chong ay pinaghahanap pa rin.
Ang mga nadiskubreng ismagel na sigarilyo at hinihinalang shabu ay itinurn-over na sa Lebak Municipal Police Station para sa dokumentasyon. RNT/JGC