Home NATIONWIDE DOLE nagbabala vs prank calls sa Hotline 15/30

DOLE nagbabala vs prank calls sa Hotline 15/30

3
0

MANILA, Philippines – Binalaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang publiko laban sa prank calls kasabay ng pormal na paglulunsad ng bagong Hotline 15/30 para sa mga concern sa paggawa.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, maaaring maabala ng mga pekeng tawag ang pagtanggap at pagproseso ng mga lehitimong reklamo at concern ng publiko.

Nilinaw ni Tolentino na hindi lamang mga manggagawa ang maaaring gumamit ng hotline dahil bukas din ito sa mga employer at iba pang labor stakeholders.

May nakatalagang personnel na sasagot sa mga tawag 24 oras kada araw, pitong araw kada linggo, kabilang ang graveyard shift.

Sa paunang operasyon, dalawang personnel kada shift ang itinalaga upang tumanggap ng mga tawag.

Sa numerong 1-5-3-0, maaaring idulog ang mga reklamo kaugnay ng hindi nabayarang sahod at benepisyo, illegal dismissal, paglabag sa labor standards at occupational safety and health concerns.

Gayunman, nilinaw ni Tolentino na hindi nangangahulugang agad na mareresolba ang bawat concern na matatanggap sa hotline.

Kailangan pa umanong i-refer ang mga reklamo sa kaukulang tanggapan ng DOLE para sa nararapat na aksyon. Ang mga tawag na matatanggap sa gabi ay maaari ring maproseso sa susunod na araw.

Samantala, pinag-aaralan ng DOLE at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isang referral system para maiugnay sa skills training at iba pang programa ang mga manggagawang nangangailangan nito.

Hinimok ni Tolentino ang publiko na gamitin nang responsable ang Hotline 15/30 upang manatiling bukas ang linya para sa mga lehitimong concern ng manggagawa, employer at iba pang stakeholders. Jocelyn Tabangcura Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here