Home NATIONWIDE NCDA hinihimok DOTr na kasuhan konduktor na sinasabing nangharas sa deaf passenger

NCDA hinihimok DOTr na kasuhan konduktor na sinasabing nangharas sa deaf passenger

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng agarang imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa bus conductor na inakusahan ng sexual harassment sa isang deaf na babaeng pasahero sa Tagbilaran City, Bohol.

Ayon sa NCDA, nangyari umano ang insidente noong Nobyembre 1 habang bumibiyahe ang babae kasama ang kanyang menor de edad na anak patungo sa simbahan bandang alas-4 ng madaling araw.

Kalaunan ay ibinahagi ng biktima sa Facebook ang kanyang salaysay at video ng insidente upang humingi ng aksyon.

Sa liham sa DOTr, hiniling ng NCDA ang “immediate and impartial investigation” at pagsasampa ng kaukulang criminal charges laban sa sinumang mapatutunayang responsable.

Binigyang-diin ng konseho na may parehong karapatan ang persons with disabilities (PWDs) sa ligtas, marangal at respetadong paggamit ng pampublikong transportasyon.

Nanawagan din ang NCDA na palakasin ang disability awareness, sensitivity at gender-responsiveness training para sa mga tauhan ng transport sector.

Kabilang din sa mga iminungkahing hakbang ang pagkakaroon ng accessible at confidential reporting mechanisms sa mga bus at terminal, gayundin ang pagsasanay sa pakikipagkomunikasyon sa deaf passengers at iba pang PWDs.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang NCDA sa mga komentong kumukutya sa grammar ng nakasulat na salaysay ng biktima.

Paliwanag ng konseho, may sariling grammatical structure ang Filipino Sign Language at hindi dapat gawing batayan ang pagkakaiba sa written expression upang kuwestiyunin ang kakayahan o kredibilidad ng isang deaf person.

Hiniling din ng NCDA ang mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability at Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here