MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatupad ng School-Based Feeding Program (SBFP) at Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) initiative bilang bahagi ng pagbilis ng learning recovery sa buong bansa.
Bumisita si Education Secretary Sonny Angara sa Talon Elementary School at Moonwalk Elementary School sa Las Piñas City, na kinilala dahil sa mahusay na pagpapatupad ng mga programa. Pinuri niya ang mga guro at ARAL tutors sa pagtulong sa mga batang hirap magbasa.
Sa Talon Elementary School, 575 learners ang unang na-identify na struggling readers sa simula ng school year. Pagsapit ng midyear, bumaba ito sa 233. Ayon kay Angara, dahil ito sa interventions ng mga guro at ARAL tutors, natutong magbasa ang mahigit 300 estudyante.
Sa kabuuan, 71% o 342 learners ang “nakalabas” sa ARAL program matapos maabot ang grade-level reading standards. Nakuha rin ng paaralan ang 1st place sa division’s National Achievement Test (NAT).
Sabi ni Angara, ang goal ng ARAL leaders ay na pagsapit ng end of school year, zero struggling readers na sana.
Dagdag niya, ang ganitong klase ng effort ay ipinatutupad na ngayon nationwide, unang beses para sa DepEd, dahil rollout ito sa lahat ng public schools.
Samantala, kinilala ang Moonwalk Elementary School bilang 2nd Best SBFP Implementer sa division. Nagsilbi ito sa 789 beneficiaries gamit ang isang makabagong feeding strategy.
Tiniyak ni Angara na tuloy-tuloy ang pag-improve ng mga programa lalo na’t nadagdagan ang DepEd budget at mas pinalawak ang partnership sa mga LGU.
Sa Senate-approved General Appropriations Bill, magiging PHP28.66 billion ang budget ng SBFP para sa universal feeding mula Kindergarten hanggang Grade 1 at 200 feeding days para sa targeted learners tulad ng severely wasted, wasted, at adolescent pregnant students. Ang gatas ay manggagaling sa local farmers, at ang food products ay mula sa DOST-FNRI-certified suppliers.
Binigyang-diin din ng kalihim ang mas pinatibay na collaboration sa LGUs sa ilalim ng updated Joint Circular on Special Education Fund, na nagpapahintulot sa LGUs na suportahan ang early-grade feeding, literacy, at learning recovery programs.
“With wider areas now eligible for LGU funding, schools can expect faster and more appropriate support without waiting for action from the national level,” ani Angara. RNT/MND