MANILA, Philippines – Binaha ang ilang lugar sa Albay at Camarines Sur dahil sa malalakas na ulan dala ng shear line at Tropical Depression “Wilma.”
Kasabay nito ay apektado ang libo-libong mga residente at istranded ang daan-daang mga pasahero.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development in Bicol Region (DSWD 5), nasa 18 barangay ang apektado na mayroong 3,809 pamilya o 3,994 indibidwal.
Kasalukuyang nasa 96 pamilya o 275 indibidwal ang tumutuloy sa mga evacuation center.
Sa Legazpi City, ay nalubog sa baha ang national highway ng Barangay Rawis, at Barangay Vel-Amor.
Umabot din ng hanggang tuhod ang baha sa Daraga, at ang dalawang barangay sa Guinobatan.
Hindi naman madaanan ang mga kalsada sa Tandarora, Masarawag to Maninila, at Muladbucad Grande sa naturang bayan.
Samantala, sa Garchitorena, Camarines Sur, hindi madaanan ng maliliit na sasakyan ang kalsada sa Sitio Balinad, Barangay San Vicente.
Apektado rin ang mga kalsada ng Sta. Elena Baras spillway sa Waras River at San Roque Madawon spillway sa bayan ng Nabua. RNT/JGC