MANILA, Philippines – Binigyang-babala ng Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry (DA–BAI) ang mga nag-aalaga ng kambing at tupa, nagpapastol ng hayop, at mga beterinaryo na palakasin ang mga hakbang sa pag-iingat matapos iulat ng mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya ang mga kaso ng Peste des Petits Ruminants (PPR), o sheep and goat plague.
Bagama’t nananatiling PPR-free ang Pilipinas, binanggit ng DA–BAI na maaaring makapasok ang virus dahil sa ilegal na transportasyon ng hayop, delikadong kalakalan, o kontaminadong kagamitan.
Ang PPR ay nakakahawa sa mga kambing at tupa, nagdudulot ng lagnat, discharge sa mata at ilong, sugat sa bibig, pulmonya, matinding pagtatae, at mataas na mortality, ngunit hindi nakakahawa sa tao.
Hinimok ng ahensya ang mahigpit na biosecurity measures tulad ng paghihiwalay sa bagong alagang hayop, limitasyon sa pagbisita sa bukid, pagdidisimpekta ng kagamitan, at agarang pag-uulat ng may sakit o namatay na hayop.
Patuloy ang koordinasyon sa World Organization for Animal Health at lokal na pamahalaan upang mapanatiling PPR-free ang bansa. Santi Celario