ANO nga kaya ang mabibili ng P500 na pang-noche Buena ng 4-kataong miyembro ng pamilya, gaya ng sinasabi ng Department of Trade and Industry?
Magluto kaya tayo ng malagkit bilang kakanin?
Heto ang mga kailangan at presyo.
Kalahating kilo ng malagkit na bigas – P35; kalahating kilong asukal na puti – P60; isang malaking niyog na panggata – P60; gaas o liquified petroleum gas – P50; 4 na 3-in-1 na kape – P40;kuryente sa paggamit ng bombilya sa kusina at kainan – P20 mula sa P600 bill sa isang buwan; isang 4-galong tubig na pangsabaw-panluto at panghugas ng plato, kutsara, tinidor at kaldero – P30; sachet na panghugas ng mga kaldero, baso at pinagkainan – P10; roundtrip na biyaheng traysikel – P100; isang 2-metrong Christmas light na kumukutitap – P200 (huwag namang kandila dahil hindi naman panahon ng Undas).
Magkano?
Anak ng tokwa, mahigit nang P500.
HUWAG NANG MAG-NOCHE BUENA
Huwag na kayang mag-noche Buena?
Ito’y dahil may iba pang mga gastusin.
Mahal ang upa o hulog sa bahay, may gastusin sa maintenance ng gamot ng maysakit ng isa o silang mga magulang o silang lolo at lola na nag-aalaga ng 2 apo, may kontribusyon ang mga bata sa mga simpleng Christmas party sa iskul; may pamasaheng araw-araw sa pagpasok sa trabaho ng isa o silang dalawang magulang; may buwan-buwang binabayarang kuryente at tubig; may mga ordinaryong pang-almusal, pang-miryenda, pangtanghalian, pangmiryenda ulit at panghapunan pa.
Ipagpalagay nang patay na ang mga magulang at lolo at lola ang natitirang nag-aalaga at nagpapaaral sa mga apo, lalo lang walang pang-Noche Buena.
Ang mga lolo at lola na may pensyon, halimbawa, mula sa Social Security System, alam ba ninyong hanggang P2,000-P4,000 lang buwan-buwan ang pensyong natatanggap ng nakararami sa mga ito, lalo na ang mga may edad 70 pataas?
May maintenance pa sila na umaabot sa pinakamababang nasa P50 ang halaga kada araw at sa loob ng isang buwan, P1,500 lahat ‘yan.
At ‘pag walang reseta, wala silang 20% discount sa mga parmasya.
Sa maraming barangay, mas marami pa ang ipinamimigay para sa birth control kaysa para sa maintenance ng matatanda gaya ng metformine at lozartan.
Umiiwas sila sa buwanang konsultasyon sa private dahil P500 bawat konsulta at kung dalawa sila, P1,000 na maliwanag ‘yan.
Sa barangay, wala namang gaanong nagrereseta lalo’t karaniwang walang doktor dito kundi sina konsehal na head ng medical committee ng barangay at mga mother leader at mga paramedic kung may ambulansya.
MAGBULANGLANG NA LANG
Sabi nila, magbulanglang na lang na walang espiritu ng Pasko.
Pero alam ba ninyo na sa kalakhan sa Pilipinas, guni-guni o ghost ang P20 kada kilong bigas?
Nasa P5 rin ang 1 pirasong sili, P80 – 8 tangkay ng sitaw, P80 – 4 pirasong talong, P20 – 1 pirasong sibuyas, P20 – 1 pirasong kamatis, P80 – 1 pirasong ampalaya; at P100 – 4 pirasong maliliit na tinapa.
Wala pa riyan ang panimplang bagoong o patis at suka, dishwashing liquid, tubig, kuryente, tubig-inumin, pamasahe papunta at pauwi mula sa palengke at iba pa.
Ang tiyak, ghost o guni-guni ang P500 Noche Buena.






