Home LIFESTYLE HEALTH PH HIV cases patuloy na sumisirit sa kabila ng pagbaba sa ibang...

PH HIV cases patuloy na sumisirit sa kabila ng pagbaba sa ibang bansa

387
0

MANILA, Philippines – Habang bumababa ang bagong kaso ng HIV at AIDS-related deaths sa buong mundo at sa Asia-Pacific, patuloy na tumataas ang mga kaso sa Pilipinas.

Mula 2010 hanggang 2024, tumaas ang bagong kaso ng HIV sa bansa ng 555 porsyento, kumpara sa -40 porsyento sa buong mundo at -17 porsyento sa Asia-Pacific.

Ang AIDS-related deaths ay tumaas ng 667 porsyento, samantalang bumaba nang higit sa 50 porsyento sa global at regional na antas.

“Ibig sabihin, mayroon tayong patuloy na lokal na concentrated epidemic na nangangailangan ng tuloy-tuloy at pinalakas na interbensyon,” sabi ni Noel Palaypayon ng DOH Epidemiology Bureau.

Sa kasalukuyan, may 252,800 na taong may HIV (PLHIV) sa Pilipinas, at maaaring umabot sa 457,600 pagsapit ng 2030.

Humigit-kumulang 90 porsyento ng bagong kaso ay sa mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki, at 58 porsyento ng PLHIV ay mula sa Metro Manila, Calabarzon, at Central Luzon.

Tumaas ang araw-araw na bagong kaso mula 21 noong 2015 hanggang 56 noong Oktubre 2025, at lumagpas na sa 900 ang namamatay taun-taon mula 2022. Kalahati ng kaso ay nasa edad 25 hanggang 34, at 30 porsyento ay 15 hanggang 24 na taong gulang.

Hinimok ni Senate Deputy Majority Leader Risa Hontiveros ang matibay na hakbang sa polisiya, binanggit na mula Hulyo hanggang Setyembre 2025, naitala ang 5,583 bagong kaso, 30 porsyento dito ay may edad na wala pang 18.

“Mayroon tayong mga kasangkapang tapusin ang AIDS pagsapit ng 2030, ngunit kailangan natin ang matibay na polisiya, buong pagpapatupad ng RA 11166 at strategic legislation para sa matibay, inklusibo, at evidence-based na tugon,” sabi ni Hontiveros.

Ibinahagi ni Dr. Delia Becina ng Philippine National AIDS Council ang mga kakulangan sa RA 11166, na nagpapahintulot sa kabataan 15 hanggang mababa sa 18 na magpa-HIV test ngunit hindi malinaw sa batas ang pahintulot para sa paggamot.

Inirekomenda ng PNAC na payagan ang mga menor de edad na ma-access ang anti-retroviral treatment at iba pang HIV services sa ilalim ng supervision ng kanilang doktor.

Ina-update ng DOH at PhilHealth ang mga strategic plan at pinalalawak ang coverage para sa HIV screening, paggamot, at preventive care, habang hinihikayat ng mga stakeholder ang hakbang sa lehislatura at sapat na pondo upang tugunan ang epidemya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here