MANILA, Philippines – Laglag sa bitag ang isang construction worker na responsable sa kaso ng pagpatay sa Malabon City makaraang matunton ito sa kanyang pinagtataguan sa Bulacan kahapon, napaulat.
Ang pagkakaresto sa akusadong si alyas “Boy Bulag”, 34, at residente ng Sitio 6, Gov. Pascual, Brgy. Catmon ng lungsod ay nag ugat matapos makatanggap Ng tip Ang Malabon-PNP sa pinagkukutaan nito.
Nabatid na si alyas Bulag ay nakatala bilang No. 3 sa Top Ten Most Wanted Person sa Malabon CPS kaya agad nilang ikinasa ang operation laban sa akusado.
Alas-10:15 ng gabi nang tuluyang makorner ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS ang akusado sa Sitio Galas, Barangay Balasing, Sta. Maria Bulacan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 169, Malabon City noong April 11, 2025 para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa, inaresto ng mga tauhan ni Col. Umipig si alyas Bulag.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte na nag-isyu ng warrant. Merly Duero