Home OPINION PANAHON NA PARA IPATUPAD NG SSS ANG ACOP PARA SA LAHAT

PANAHON NA PARA IPATUPAD NG SSS ANG ACOP PARA SA LAHAT

324
0

NAKABABAHALA at sa totoo lang, nakalulungkot ang kontrobersiyang lumabas kamakailan hinggil sa pagpatuloy na pagtanggap ng pensiyon ng ilang miyembrong matagal nang pumanaw. Bilang isang propesyonal at media advocate na matagal nang sumubaybay sa usaping pang-seguridad panlipunan, hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkadismaya. Hindi lamang ito simpleng maling sistema o pagkakamaling administratibo, ito ay malinaw na banta sa integridad ng pondo ng Social Security System (SSS), pondo na pinagpaguran ng milyon-milyong manggagawang Filipino.

Hindi biro ang pensiyon mu­la sa SSS. Ito ang sandalan ng mga retirado, balo, at pamilya sa pa­nahon ng pangangaila­ngan. Kaya kapag naririnig natin na may mga indibidwal, o minsan ay mismong tagapag-ingat ng re­­kord, na nakalulusot para ipag­patuloy ang benepisyo kahit ang pensiyonado ay sumakabilang-buhay na, dapat lamang tayong magtanong: Paano ito nangyari? At bakit hinahayaan natin itong ma­ulit?

Sa aking pagsusuri, malinaw na ang ugat ng problema ay hindi basta-basta “lax monitoring,” kundi ang hindi pare-parehong implementasyon ng Annual Confirmation of Pensioners (ACOP). Maraming pagkakataon na si­nuspinde ang ACOP o kaya’y na­ging maluwag ang pagpapatupad nito dahil sa kalamidad, pandemya, o iba pang sitwasyon. Bagama’t may mabuting intensiyon ang mga pagbabagong iyon, nagbukas naman ito ng mga puwang na maaaring pagsamantalahan ng mga mapanlinlang at likas na manloloko.

Kaya’t nais kong idiin na pa­nahon na para gawing manda­tory muli ang ACOP para sa la­­hat, taon-taon, walang exemption.
Ang ACOP ay hindi dapat ting­nan bilang abala. Ito ay proteksiyon hindi lamang para sa SSS, kundi para mismo sa mga tunay na pensiyonado at kanilang pa­milya.

Sa pamamagitan ng regular na beripikasyon, nagiging mas tiyak ang pagkakakilanlan ng tumatanggap ng benepisyo. At hi­git sa lahat, napipigilan nito ang pagtagas ng pondo na dapat sana’y para sa mga karapat-dapat na miyembro.

Kung may mga sektor na nangangamba na mahirap ang proseso, maaari naman itong gawing mas makabago.

Maaari ang online confirmation, video validation, o digital biometrics.

Hindi natin kailangang ma­na­tili sa lumang sistema. Ang mahalaga ay malinaw na nasu­sunod ang prinsipyo: Ang aktu­wal na nabubuhay na pensiyonado lamang ang dapat tumatanggap ng pensiyon.

At kung sakaling may mga pamilya o kinatawan na sad­yang nagtatago ng impormasyon tung­kol sa pagkamatay ng pensiyonado upang patuloy na kumubra, dapat lamang na sila ay mana­got.

Ito ay hindi “pakikisama” o “pagtulong,” ito ay pandaraya sa estado at sa lahat ng nagbabayad ng kontribusyon.

Ang tiwala sa institusyon ay hindi basta ipinagkakaloob; ito ay pinagtitibay.

At kung nais nating manati­ling matatag ang SSS sa mga susunod pang dekada, kailangan nating alisin ang bawat bitak na maaaring pagmulan ng katiwalian.

Gawin nating taunang obligasyon ang ACOP. Para sa seguridad ng pondo. Para sa karapatan ng bawat pensiyonado. Para sa kinabukasan ng bawat Filipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here