MANILA, Philippines – ARESTADO ang pitong kalalakihan matapos maaktuhang naglalaro ng illegal na sugal sa magkahiwalay na lugar at makuhanan pa ng droga ang tatlo sa kanila sa Valenzuela City.
Sa kanyang ulat Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Karuhatan Police Sub-Station 9 Commander P/Capt. Joan De Leon na alas-2:40 ng hapon nang maaresto ng kanyang mga tauhan ang dalawang kelot na naglalaro umano ng cara y cruz sa Industrial Road, Brgy., Karuhatan.
Nakumpiska sa kanila nina PCpl Jerome Siquig at Pat. Dan Aldrin Baladad ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha kay alyas “Sonny”, 36, tricycle driver.
Nauna rito, naaktuhan naman ng mga tauhan ng Malinta Police Sub-Station 4 na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Mendiola Compound, Brgy., Pasolo ang isang lolo at kasamang kelot na nagsusugal ng cara y cruz dakong alas-6:30 ng gabi.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang arestuhin sila ng mga pulis at nasamsam sa kanila ang bet money at pangara habang ang isang plasti sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Lolo Sauro”, 67.
Sa Brgy., Ugong, naaresto naman ng mga tauhan ng Ugong Police Sub-Station 8 ang lalaki habang nagsusugal umano ng dice game sa A. Dela Cruz Compound alas-9:30 ng gabi at nakumpiska sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nasamsam kay alyas “Encio”, 40.
Ayon kay P/MSgt. Carlito Nerit Jr., mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-illegal Gambling Law habang karagdagan pa na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakarapin pa ng tatlo sa kanila. Rene Manahan