Home NATIONWIDE Palasyo sa conflict of interest ni PAGCOR chief Tengco: Maglabas sila ng...

Palasyo sa conflict of interest ni PAGCOR chief Tengco: Maglabas sila ng ebidensya

277
0

MANILA, Philippines – HINAMON ng Malakanyang ang mga taong may hawak ng ebidensiya na patunayan na ang milyong halaga ng infrastructure projects ay hindi makatarungang iginawad sa construction firm ng pamilya ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman Alejandro Tengco.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na maaaring rebisahin itong mabuti ng Malakanyang.

Ang pahayag na ito ng Malakanyang ay bilang tugon sa report ng Rappler kung saan natuklasan na ang Nationstar Development Corp. — pinatatakbo ngayon ng mga anak ni Tengco, ang nakasungkit ng 14 na government contracts na nagkakahalaga ng P7.1 billion simula 2022, matapos na italaga ni Pangulong Marcos si Tengco sa Pagcor.

“Kung dumaan naman po ito sa tamang proseso at kung itong kumpaniyang ito ay kunektado pa si Al Tengco, doon na lang tayo magbase,” ayon kay Castro,

“Mas maganda po siguro kung may nagbibintang, maglabas na sila ng ebidensya para ma-review,” aniya pa rin.

Ang mga proyektong nasungkit ng Nationstar sa nakalipas na tatlong taon ay kinabibilangan ng P779-million construction sa West Visayas State University College of Law, kung saan nagtuturo si Unang Ginang Liza Marcos at maging ang P278-million rehabilitation ng New Executive Building sa Malakanyang at ang pagtatatag ng multi-purpose facility sa bayan ng Pangulo sa Batac, Ilocos Norte.

Samantala, mariing itinanggi ni Tengco na mayroong conflict of interest sa pagitan ng kompanya ng kanyang pamilya at sa kanyang posisyon sa PAGCOR, binigyang diin na ang Nationstar ay hindi nagkaroon ng anumang proyekto sa state gaming agency.

Si Tengco ang nagtatag ng Nationstar noong 2015. Winika nito na siya ay “fully divested all interests” sa construction firm nang umupo siya sa PAGCOR noong 2022. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here