Ikinababahala ng TNVS Community Philippines ang Memorandum Circular ng LTFRB na nagbababa sa surge pricing cap ngayong holiday season.
Ayon kay Lisza Redulla ang Spokesperson ng TNVS Community Philippines, ang surge pricing o dynamic pricing ay bahagi ng itinakdang regulatory guidelines para sa pamasahe ng TNVS, dahil ito ay nakabatay sa realidad ng ride-hailing kung saan pabago-bago ang demand, kondisyon ng trapiko, pick up distance at operating costs sa iba’t ibang oras.
Aniya ang biglaang pagbawas nito, lalo na ngayong holidays, ay direktang tatama sa kita ng mga nasa kalsada, sa gitna ng matinding traffic at mataas na presyo ng gas.
Ang surge fees ang isa sa mga mekanismong tumutulong panatilihing patas ang kita kapag mas mahirap at mas matagal ang biyahe.
Iginiit ni Redulla na kapag binawasan ito sa panahon ng peak demand, mas maraming driver ang mapipilitang mag-offine sa high-demand hours dahil hindi na sulit ang oras, pagod, at gastos.







