Home NATIONWIDE Lacson: Unprogrammed Appropriations kailangan!

Lacson: Unprogrammed Appropriations kailangan!

272
0

MANILA, Philippines – Ipinagtanggol ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang paggamit ng Unprogrammed Appropriations sa ilalim ng Special Purpose Fund ng pambansang badyet, at sinabing ito ay naaayon sa Konstitusyon at kinakailangan.

Gayunman, iginiit ni Lacson na ang paggamit nito ay dapat mahigpit na sumunod sa tatlong special provisions na nakasaad sa General Appropriations Act (GAA).

Ginawa ni Lacson ang pahayag isang araw matapos sabihin ni Supreme Court Justice Ramon Paul Hernando na ang pagsasama ng unprogrammed appropriations sa GAA ay labag sa Konstitusyon at “hindi katanggap-tanggap.”

Ayon kay Lacson, maaari lamang gamitin ang unprogrammed appropriations kung may sobrang koleksiyon mula sa non-tax revenues, bagong o kasabay na hakbang para sa karagdagang kita, at aprubadong mga loan.

Dagdag pa niya, tanging ang Pangulo lamang ang maaaring mag-apruba ng pagdaragdag ng pondo, at dapat may makatarungang dahilan upang ganap na maipatupad ang mga tiyak na programa, aktibidad, at proyekto (PAPs) na malinaw na nakasaad sa badyet.

Aminado si Lacson na naging kontrobersyal at may legal na problema ang Unprogrammed Appropriations sa 2024 GAA dahil sa dalawang karagdagang special provisions na isinama noong bicameral conference committee hearings.

Kabilang sa mga idinagdag na probisyong ito ang pagsama sa mga government-owned and controlled corporations, tulad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa, na ayon sa kanya ang naging dahilan ng mga isyung legal. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here