Home HOME BANNER STORY PNP ‘di uurong sa pag-aresto kay Sen. Bato

PNP ‘di uurong sa pag-aresto kay Sen. Bato

1
0

MANILA, Philippines – Muling tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na hindi ito uurong sa tungkuling arestuhin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos mag-expire noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay sa senador upang sumuko.

“Let me declare, hindi tayo uurong sa ating tungkulin,” pahayag ni PNP deputy chief for administration Lt. Gen. Wilson Joseph Lopez sa press briefing sa Camp Crame.

Una nang binigyan ng PNP si Dela Rosa ng isang linggo upang sumuko noong Oktubre 23, kasunod ng pag-anunsiyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng P50-milyong pabuya para sa kanyang pagkakaaresto.

Ayon kay Lopez, inayos nila ang task force at bumuo ng mga nakatalagang team sa bawat rehiyon upang paigtingin ang paghahanap sa senador.

“Let me be clear, the PNP’s objective remains clear, and that is to arrest Senator Ronald ‘Bato’ de la Rosa,” ani Lopez.

Dagdag pa niya, magsasagawa sila ng naaangkop at legal na hakbang upang maresolba ang usapin alinsunod sa batas.

Kinumpirma rin ni Lopez na hindi pa nakalalabas ng bansa si Dela Rosa. Pinaigting din ng PNP ang intelligence monitoring sa mahahalagang lugar sa bansa upang matukoy ang kinaroroonan nito.

Matapos ihayag ang P50-milyong pabuya, nagbukas ang PNP ng 24-oras na hotline para sa mga impormasyong makatutulong sa paghahanap sa senador. Patuloy pa rin umanong bineberipika ng pulisya ang mga natanggap na tip.

Nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) bilang co-perpetrator sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Naging hepe ng PNP si Dela Rosa mula 2016 hanggang 2018. Nagtago siya noong Nobyembre 2025 matapos ilabas ang arrest warrant ng ICC.

Muli siyang nakita noong Mayo 2026 nang bumoto siya para kay Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President. Matapos bigyan ng protective custody sa Senado, nakatakas umano siya at muling nagtago.

Sinabi ni Lopez na bukas pa rin ang PNP sa boluntaryong pagsuko ng senador at tiniyak ang kanyang kaligtasan.

“The door is always open. Nakabukas po tayo sa kanyang pagsuko,” ani Lopez. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here