MANILA, Philippines – Nagkaroon ng matinding diskusyon ang mga senador at kongresista sa Bicameral Conference Committee para sa 2026 national budget, tungkol sa P32-bilyong pondo para sa farm-to-market roads (FMRs).
Ipinaglobby ng mga kongresista sa mga senador ang pondo para sa mga malalayong lugar ng bansa. Bukas naman si Sen. Francis Pangilinan, na namahala sa Department of Agriculture (DA) budget sa Senado, sa panukala ng Kamara dahil naipasa na ng DA ang teknikal na detalye ng mga proyekto. Paliwanag niya, hindi pa available ang mga detalyeng ito noong 3rd reading sa Senado, kaya kinailangan nilang aprubahan ang budget nang wala ito.
Tinanggihan naman ang panukala nina Sen. Pia Cayetano, Loren Legarda, at Imee Marcos. Ayon kay Legarda, dapat may malinaw na accountability sa mga proyekto at nais niyang makita ang batayan ng panukala ng Kamara. Binanggit din niya ang ulat ng DPWH tungkol sa muling pagtaas ng halaga ng mga materyales.
Sinabi ni Cayetano na mahihirapan siyang aprubahan ang proyekto kung walang malinaw na paraan ng pananagutan kung may anomalya. Ayon kay Marcos, dati nang ipinatupad ng DA ang FMRs bago pa man i-task ang DPWH, at ngayon ay ibinabalik na naman sa DA. Nag-aalala siya na baka maging “farm-to-pocket” roads lamang ito. Dagdag pa niya, 65 lang ang staff ng DA sa buong bansa para sa gawaing ito.
Pinaliwanag ni Pangilinan na mananagot ang DA at maaari silang mag-hire ng dagdag na staff. Iminungkahi ni Marcos at sinuportahan ni Cayetano na subukan muna bilang pilot project.
Habang umiigting ang diskusyon, sinuspinde ang sesyon upang mag-huddle ang mga mambabatas mula sa dalawang kapulungan. Napag-alaman na hanggang Setyembre ngayong taon, nasa P23 bilyon pa sa FMR funds ang hindi nagamit, na dahilan ng mga tanong ni Cayetano. RNT/MND