MANILA, Philippines – Gumamit ang gobyerno ng agham at teknolohiya para mas mapalakas ang resistensya ng isang karaniwang Indica rice variety laban sa sakit.
Gumamit ang mga mananaliksik mula sa Crop Biotechnology Center ng Department of Agriculture (DA) ng floral dip-based gene-editing technique upang maprotektahan ang NSIC Rc 402 (Tubigan 36) laban sa tungro, na maaaring magdulot ng malaking pagkalugi sa ani kung hindi maaagapan.
Ang Tubigan 36 ay isang inbred rice variety mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) para sa irrigated lowland. Kilala ito sa medium-sized grains at moderately soft na kalidad ng pagkain.
Ayon kay project leader Reynante Ordonio, madalas na hindi epektibo ang conventional tissue culture sa Indica rice dahil sa limitadong responsiveness. “Mas simple, mabilis, at praktikal ang floral dip,” sabi niya.
Ipinaliwanag ng PhilRice na sa “pre-anthesis” stage o bago mamulaklak, inilublob ng mga mananaliksik ang bulaklak ng palay sa solusyon na may Agrobacterium tumefaciens at CRISPR-Cas9 para patayin ang eIF4g gene na nagpapahina sa halaman laban sa tungro. May kasama ring hygromycin resistance gene upang madaling makita ang matagumpay na gene editing.
Sa 512 harvested seeds mula sa floral-dipped rice, mahigit 400 ang lumaking malusog at pumasa sa antibiotic screening. Pitong linya rin ang nagpamalas ng tungro resistance sa tatlong sunod-sunod na henerasyon, nagpapakita ng matibay na potensyal para sa inheritance.
Ang tungro ay isa sa pinakamatinding sakit sa palay sa bansa, na nagdudulot ng hanggang 30% na pagkatalo ng ani o 456,000 toneladang bigas kada taon.
Ayon sa International Rice Research Institute (IRRI), sanhi ito ng kombinasyon ng dalawang virus na dinadala ng leafhoppers, na nagdudulot ng pagbabago sa kulay ng dahon, pagpigil ng paglaki, nababawasan ang bilang ng tillers, at sterile o hindi fully-filled na grains. Nakakaapekto rin ito sa ilang wild rice relatives at damo sa palayan.
Sabi ni Ordonio, nagbibigay ang teknolohiyang ito ng oportunidad para mabilis na makabuo ng mas matibay na varieties, mas mataas na ani, mas magandang kalidad, at mas matibay sa stress. Ang PhilRice naman ay nagsabing makakatulong ito sa pagpapabilis ng rice breeding programs at food security sa bansa.
Plano ng DA-Biotechnology Program Office na ipagpatuloy ang pag-refine at paggamit ng protocol para sa iba pang lokal na varieties at crops.
Ang breakthrough ay naitala kahit kasabay ng sunod-sunod na bagyo sa bansa. Ayon sa DA bulletin noong Nob. 28, nagdulot ng P57.53 milyon na pinsala sa agrikultura ang Tropical Cyclone “Verbena” at shear line, kung saan P51.20 milyon o 88.99% ay mula sa palay.
Bago ito, ang farm sector ay nakaranas ng P4.19 bilyon na pinsala dahil sa Tropical Cyclone “Uwan,” kung saan 63.46% o P2.66 bilyon ay sa high-value crops. Dahil sa mga bagyo, ibinaba ng DA ang forecast sa palay output ngayong taon sa 19.61–19.89 milyon metric tons mula sa dating 20.2–20.5 milyon MT.
Noong 2024, nakapagtala ang bansa ng 19.09 milyon MT na palay, bumaba ng 4.8% mula sa 20.06 milyon MT noong 2023, ang pinakamataas na naitalang lokal na produksyon. RNT/MND