Home NATIONWIDE PNP magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Cathy Cabral

PNP magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkamatay ni Cathy Cabral

289
0

MANILA, Philippinws – Inatasan ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa biglaang pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Catalina “Cathy” Cabral.

Ayon sa pulisya, namatay si Cabral matapos umanong mahulog sa bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet noong Huwebes ng gabi. Sa isang pahayag noong Biyernes, sinabi ni Nartatez na inutusan na niya ang Regional Director ng Police Regional Office–Cordillera Administrative Region na tiyaking masuri ang lahat ng posibleng anggulo ng insidente upang malinawan kung ano talaga ang nangyari.

Binigyang-diin ng PNP chief na kahit may paunang hinala na sa nangyari, hindi dapat isantabi ang anumang posibilidad hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng mga forensic expert at hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi at mga pangyayari sa kanyang pagkamatay.

Batay sa ulat ng Benguet Provincial Police Office, ang insidente ay ini-report ng driver ni Cabral. Ayon sa kanya, bandang 3:00 ng hapon, bumiyahe sila ni Cabral sa Kennon Road patungong La Union nang hilingin nitong huminto at iwan siya roon. Pumunta ang driver sa isang malapit na gasolinahan at bumalik bandang 5:00 ng hapon, ngunit wala na si Cabral sa lugar.

Sinubukan pa ng driver na hanapin si Cabral sa hotel na tinutuluyan nito, ngunit wala rin siya roon. Bandang 7:00 ng gabi, ini-report ng driver ang pangyayari sa pulisya. Makalipas ang isang oras, bandang 8:00 ng gabi, natagpuan ang bangkay ni Cabral sa gilid ng Bued River, humigit-kumulang 20 metro sa ibaba ng highway.

Si Cabral ay naiuugnay noon sa mga alegasyon ng budget insertions at kickbacks kaugnay ng mga bilyong pisong flood control projects.

Nanawagan si Nartatez sa publiko, lalo na sa mga netizen, na iwasan ang espekulasyon at hintayin na lamang ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng pulisya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here