KAMAMATAY lang si Department of Public Works and Highways Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Nauna rito, pinatakas si dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co.
Sinasabing pinatakas din si dating DPWH Secretary Manny Bonoan.
Lahat sina Cabral, Co at Bonoan ay kabilang sa pinakamalalaking suspek sa multibilyong kikbakan sa flood control projects, lalo na sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Kung ano ang tunay na nangyari kay Cabral sa isang bangin at natagpuan ang kanyang bangkay sa tabi ng Bued River sa kahabaan ng Kennon Road, sakop ng bayan ng Tuba, Benguet, iniimbestigahan pa.
Ngunit may kinalaman ba ang kanyang pagkamatay sa nasabing iskam?
Si Usec. Roberto Bernardo ang nagsabing sa multibilyong pisong kikbakan, may 10 hanggang 15 o 20 porsyentong kikbak sa mga proyekto at nasa 25% siya rito habang naghahati sina Bonoan at Cabral sa 75%.
At si Cabral, ayon kay Bernardo, ang eksperto sa allocable funds o pagtukoy ng mga halaga para sa mga proyekto na ikinokontak sa mga kongresman o senador para pagkikbak.
Sa parte ni Zaldy Co, umamin siyang inutusan siyang umalis ng bansa nina ex-Speaker Martin Romualdez at Pangulong Bongbong Marcos at siperan ang kanyang bunganga sa mga multi-bilyong scam na nabuking.
Si Bonoan naman, umalis din ng bansa at hanggang ngayon, wala pang aksyon para pabalikin siya.
Iniugnay rin si Bonoan sa kikbakan sa P52 bilyong insertion sa pambansang badyet na umabot sa pintuan ng Malakanyang o kay dating Executive Secretary Luis Bersamin, ayon naman kay Senador Ping Lacson batay sa kwento ni Bernardo na narinig niya mula sa bibig ni dating Department of Education Trygve Olaivar.
Triple hearsay ang naging tawag dito ni Lacson ngunit malilinawan sana kung naririto si Bonoan.
Naghahanap ng hustisya ang mga nangagsisimatay sa mga baha, ghost at substandard projects at kikbakan.
Pero mukha silang namamatayan at natatakasan ng mga mangingikbak.






