Home NATIONWIDE Ombudsman: Cyber warrant kailangan sa mga gadget ni Cabral

Ombudsman: Cyber warrant kailangan sa mga gadget ni Cabral

286
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Office of the Ombudsman na kailangan ng cyber warrant upang maingatan at mapreserba ang cellphone at iba pang electronic devices ng dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na idineklarang patay matapos matagpuang walang malay malapit sa Kennon Road sa Benguet noong Huwebes ng gabi.

Matapos kumpirmahin ang kanyang pagkamatay, inatasan ng Ombudsman ang mga awtoridad sa Benguet na kunin at ingatan ang kanyang mga gadget. Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, sakop ng batas ang laman ng mga electronic device kaya kinakailangang dumaan sa pormal na aplikasyon ng cyber warrant.

Aniya, mahalagang makuha agad ang mga gadget dahil may panganib na mabura o mabago ang laman nito. Pinaniniwalaang may mga impormasyon sa computer o cellphone ni Cabral na may kaugnayan sa mga sinasabing iregularidad sa flood control projects.

Nanawagan din ang Ombudsman sa sinumang may access sa personal o opisyal na computer ni Cabral na lumantad at makipag-ugnayan sa kanila. Bagama’t iginagalang ng tanggapan ang pagluluksa ng pamilya, iginiit ni Clavano na may tungkulin ang estado na ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Pinayagan din ang pamilya ni Cabral na magsagawa ng DNA test at autopsy. Ayon kay Clavano, ipinatutupad na ang automatic autopsy para sa mga kahina-hinalang pagkamatay alinsunod sa mga patakaran ng Department of Justice.

Nauna nang sinabi ng pulisya na natagpuan si Cabral humigit-kumulang 30 metro mula sa tabing-ilog sa Barangay Camp 4, Tuba, Benguet.

Ang pagkamatay ni Cabral ay nangyari ilang buwan matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang imbestigasyon sa mga flood control at slope protection projects na may umano’y anomalya. Si Cabral ay kabilang sa mga nadawit matapos siyang iugnay ng dating undersecretary na si Roberto Bernardo, na mariin naman niyang itinanggi. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here