MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na nakausap na ni dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral ang limang Ombudsman prosecutors bago siya pumanaw, ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Biyernes.
Sinabi ni Clavano na kahit wala na si Cabral, maaari pa ring masiguro at mapreserba ang ebidensya na nakuha mula sa kanya at ang mga impormasyong naiwan pa sa kanyang pagmamay-ari.
Hindi niya pinangalanan ang mga nakausap ni Cabral upang mapanatili ang integridad ng imbestigasyon, ngunit sinabi niyang mga imbestigador mula sa iba’t ibang fact-finding bodies ang mga ito.
Ayon kay Clavano, si Cabral ay tinanong tungkol sa iba’t ibang kasong kinasasangkutan niya, lalo na sa mga iimbestigasyong may kaugnayan sa flood control projects.
Kinumpirma rin ng Benguet police na namatay si Cabral matapos ang umano’y pagkahulog sa Kennon Road, kung saan siya natagpuang walang malay at hindi tumutugon sa layong 20 hanggang 30 metro mula sa highway, ilang oras matapos niyang sabihing iwan muna siya ng kanyang driver.
Sinabi ni Clavano na mahalaga ang papel ni Cabral sa imbestigasyon dahil sa kanyang mahabang panunungkulan at mataas na posisyon sa DPWH, na nagbigay sa kanya ng malalim na kaalaman sa mga proseso ng gobyerno. Ayon sa mga alegasyon, siya umano ang naglalagay ng mga “insertions” sa National Expenditure Program (NEP) para sa mga flood control projects.
Binanggit din ang naunang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na tumawag umano si Cabral kay dating Senate President Tito Sotto upang humingi ng rekomendasyon sa mga isisingit sa badyet bago pa ito isumite sa Kongreso. Para kay Clavano, indikasyon ito ng pagkakadawit ni Cabral sa isyu.
Tinanong kung may nakita nang criminal liability laban kay Cabral, sinabi ni Clavano na meron, at panahon na lamang ang hinihintay bago sana maisampa ang mga kaso. Kaya rin umano kinakausap si Cabral noon upang malaman pa ang iba niyang nalalaman.
Itinanggi rin ni Clavano ang alegasyon na mabagal ang imbestigasyon ng Ombudsman. Aniya, sa loob lamang ng dalawang buwan, nakapaghain na sila ng dalawang kaso, kabilang ang kasong malversation at graft kaugnay ng ₱289 milyong substandard road dike project sa Oriental Mindoro, at kasong malversation at graft sa ₱96.5 milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
Ipinaliwanag ni Clavano na inuuna muna nila ang mga kasong may malinaw na ebidensya habang patuloy ang mas malalim na imbestigasyon laban sa mga taong umano’y nagtatago at nagtatakip ng kanilang mga galaw. Ayon sa kanya, patuloy ang Ombudsman sa pagbuo ng matitibay na kaso laban sa mga sangkot. RNT/MND