MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magpapatuloy ang imbestigasyon sa katiwalian sa mga flood control projects kahit na pumanaw na si dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Ayon kay DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, ang pagkamatay ng isang tao ay hindi katapusan ng pananagutan.
Iginiit niya na ipagpapatuloy ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa lahat ng sangkot at ang pagbawi ng pondo ng publiko.
Aniya, ang iniulat na pagkahulog ni Cabral malapit sa Bued River sa Tuba, Benguet ay hindi pipigilan ang imbestigasyon, pati na rin ang pagsubaybay sa evidence at mga financial transactions kaugnay ng kaso.
“Ang pagkamatay ng isang tao ay hindi nangangahulugang titigil ang gulong ng hustisya. Hahabulin natin ang lahat ng nagnakaw, buhay man o patay. Anumang ebidensya ang mayroon, gagawa ang gobyerno ng paraan para maibalik sa Pilipino ang ninakaw,” ani Remulla.
Sinabi rin niya na patuloy ang pagsubaybay sa money trail at dokumento na may kinalaman sa alegadong iregularidad. Si Cabral, na dati ring undersecretary para sa planning, ay naitalang isa sa mga umano’y pinuno ng scheme kasama si dating Usec. Roberto R. Bernardo.
Ani Remulla, mahalaga ang papel ni Cabral sa pag-apruba ng proyekto at alokasyon ng pondo noong panahon ng kanyang panunungkulan. “Bilang Usec. para sa planning, siya ang may desisyon kung ano ang aprubahan at saan ilalagay ang pondo. Siya at si Usec. Bernardo ang nag-aapruba sa lahat ng ito,” dagdag niya.
Dagdag pa niya, isasagawa ang autopsy at DNA test upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng katawan at tukuyin ang sanhi ng pagkamatay, kasama na ang posibilidad ng foul play. Pinaalalahanan din niya ang iba pang mga personalidad na nadawit sa kaso na mag-surrender at harapin ang kaso.
“Sa lahat ng akusado, pag-isipan ninyo mabuti. Ang kamatayan ay hindi magpoprotekta sa inyo; magdadala lang ito ng higit na kahihiyan sa pamilya. Harapin ang kaso. Manindigan at sagutin ang mga paratang. Magtiwala sa sistema ng hustisya,” ani Remulla. RNT/MND