Nanawagan muli si Navotas Rep. Toby Tiangco sa Kamara na ilathala sa opisyal na website nito ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kada congressional district, kabilang ang mga proyektong inendorso ng mga kinatawan ng party-list, kasunod ng pag-apruba ng bicameral conference committee sa P529.6 bilyong badyet ng ahensya.
“Dapat magkaalaman na. Ang tagal na nating hinihingi na i-publish sa website ng Kongreso ang budget per congressional district, kasama na ang mga proyektong inendorso ng party-list. Simpleng transparency lang ito. Pera ng taumbayan ang pinag-uusapan, kaya dapat malinaw kung sino ang naglalagay ng ano,” ani Tiangco.
Ayon sa mambabatas, mahalagang ilahad ang buong detalye ng mga proyekto upang madali itong masuri ng ehekutibo. “Publishing the list of projects and their proponents will help the public know who is adding what and why. It will also help the executive evaluate which projects are acceptable and which should be vetoed,” dagdag niya.
Binanggit ni Tiangco na sa 2025 bicam, tatlong party-list—Tingog, Ako Bicol at BHW—ang umano’y nagsingit ng bilyun-bilyong piso sa mga proyekto. “Topnotcher ang Tingog Party-list with P5.96 billion in insertions… Sumunod ang Ako Bicol with P2.295 billion at BHW with P2.064 billion,” aniya, sabay tanong kung bakit kailangang dumaan sa mga party-list ang mga proyekto ng mga distrito.
Giit ni Tiangco, ang publikasyon ng badyet at mga proponent ng proyekto ay mahalagang pananggalang laban sa korapsyon. “Kung malinis ang intensyon natin, wala dapat ikatakot. I-post natin lahat habang may panahon pang itama ang mga mali. Ito ang pinakamadaling paraan para patunayang walang bahid ng korapsyon ang 2026 budget,” aniya.
Sinabi rin niyang noong Oktubre pa niya hiniling ang paglalathala ng naturang impormasyon at sumulat pa sa House Appropriations Committee chair na si Rep. Mikaela Suansing, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tugon. “Kung wala tayong tinatago, bakit hindi maipost?… Pera ng taumbayan ito, at may karapatan silang malaman kung saan ito napupunta,” diin niya.
Nauna nang inugnay ni Tiangco ang panawagang ito sa kontrobersiya sa 2025 General Appropriations Act na kinasangkutan ng dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, na ngayo’y nahaharap sa warrant of arrest at mga kasong isinampa ng Ombudsman. Jojo Rabulan