MANILA, Philippines – Inamin ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Disyembre 20 na ang listahan ng farm-to-market road (FMR) projects sa 2026 National Expenditure Program (NEP) ay mayroong P8.9 bilyong halaga ng project items na hindi nasuri o naberipika man lang ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa panayam, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na naghanda ang kagawaran at nagpasa ng bagong listahan nang walang approval ng kalihim matapos ang orihinal na listahan ay naipadala na sa Kongreso.
Ani De Mesa, ang revised list ng FMR projects na nagkakahalaga ng P8.9 bilyon ay ipinasa sa pamamagitan ng follow-up letter noong Disyembre 15, ilang araw matapos na aprubahan ng bicameral conference committee ang badyet ng mga proyekto noong Disyembre 13.
Ipinaliwanag ng DA spokesperson na bigong masuri ni Laurel ang inisyal na listahan dahil siya ay naka-leave nang ito ay ipasa.
“Importante sa DA yung mga listahan, at kailangan ’yan ng concurrence ng ating kalihim. Dahil hindi nakita ni Secretary at kailangang ayusin ang listahan, iyon ang dahilan kung bakit nag-request na mapalitan ang P8 billion na napasok sa NEP.”
“Iyon ang napasok sa programa without the knowledge of the Secretary,” ani De Mesa.
Ipinanukala ng bicameral conference committee na sumusuri sa proposed P6.793 trillion national budget para sa 2026 ang paglalaan ng kabuuang P33 bilyon sa DA para sa FMR projects.
Kabilang na sa halagang ito ang P8.9 bilyong halaga ng mga proyekto na kinwestyon ng bicam members kasabay ng budget deliberations.
Nagpahayag naman ng pangamba sa project items na maaaring ipinasok sa General Appropriations Bill, sinabi ni Senate Committee on Agriculture chair Senator Francis “Kiko” Pangilinan na maninindigan ang Senate panel sa listahang inaprubahan noong Disyembre 13. RNT/JGC