DAHIL sa umanoy tuloy-tuloy na paglabag at hindi pagsunod sa mandatory requirements sa pagkuha ng business permit – tuluyang nang ipinasara nitong Biyernes, Disyembre 19, 2025 ng Pasay City Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang Wowee Market, isang pribadong palengke sa Taft Avenue, sakop ng Barangay 97 sa Lungsod ng Pasay.
Base sa Closure Order, ang may-ari ng nasabing palengke na si Yok Tin Tan So, ay paulit-ulit na lumabag umano sa mga regulasyon at alituntutnin sa pagkuha ng wastong business permit upang makapag-operate ng palengke.
Ito ay alinsunod sa rekomendasyon ng Pasay City BPLO kung saan nakitaan ng paulit-ulit na paglabag ang may-ari ng naturang palengke tulad ng kawalan ng Building Permit, walang Occupancy Permit, at walang Sanitary Permit.
Makailang ulit na rin umanong pinadalhan ng Notice to Comply ang may-ari ng palengke mula pa noong December 2024 kung saan ang pinakahuli ay noong June 25, 2025, subalit patuloy itong nagsawalang-kibo at hindi tumalima sa pagsusumite ng mga kaukulang requirements para makakuha ng karampatang business permit.
Nagawa pang magpila ng kaso sa korte ang may-ari ng nasabing palengke laban sa mga opisyal ng Lungsod ng Pasay upang manduhin ang BPLO na bigyan ng business permit para sa nasabing palengke pero bigo itong makuha sa korte ang hirit na temporary restraining order (TRO).
At dahil sa patuloy na hindi pagtalima at pagsusumite ng mga kaukulang requirements para magawaran ito ng business permit, naglabas na nga ng closure at cease and desist order ang Lungsod ng Pasay upang agad ng ipahinto ang operasyon ng nasabing palengke at hindi ito papayagang magbalik-operasyon hangga’t hindi ito tumatalima sa dapat nitong i-comply na mga requirements para mabigyan ito ng kaukulang business permit.
Mahigpit ang babala ng pamunuan ng Lungsod ng Pasay para sa lahat ng mga nagnenegosyo at nagpapatakbo ng mga business establishments sa lungsod na seryoso ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga alituntunin para sa pagkuha ng kaukukang business permit. RNT