Home NATIONWIDE Pilipinas kailangan pa ng 60K kilometro ng farm-to-market roads – DA

Pilipinas kailangan pa ng 60K kilometro ng farm-to-market roads – DA

267
0

MANILA, Philippines – Mayroon pang 60,000 kilometro ng backlog sa farm-to-market road (FMR) projects ang Pilipinas, sinabi ng Department of Agriculture (DA) nitong Sabado, Disyembre 20.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na sa kasalukuyang funding level, para matugunan ang backlog sa FMR ay aabutin ang ahensya ng 20 taon para rito.

“Yung total na nasa FMR network plan natin is 130,000 kilometers. Yung nagawa na, nasa 70,000 kilometers. Konti lang naman yung napopondohan at yung iba diyan, paunti-unti ang gawa,” ani de Mesa.

Sinabi ni De Mesa sa 4,000 FMR projects na naisagawa mula 2021 hanggang 2025, pito lamang ang tinukoy na “ghost projects” bagamat ang ilang mga kalsada ay napag-alamang substandard at kailangan ng repair.

Isa sa pangunahing pagsubok aniya sa konstruksyon ng FMR ay ang funding mismatch dahil sa dating pamamaraan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na paglalagay ng uniform per-kilometer cost estimates, anuman ang terrain o lokasyon nito.

“May minimum width, may shoulder, may minimum thickness. Depende rin sa lugar kung flood plains o bundok… Magbabago ang presyo kapag nasa probinsya o isla ka, lalo na kung malayo ang aggregates,” ayon kay Domingo.

“Pero standard ang cost ng DPWH, regardless of condition. Doon nagkakaroon ng problems,” dagdag pa niya.

Ngayon, ang actual site conditions ay kailangang maikonsidera sa pagbabadyet.

Naka-disenyo ang FMR para pagdugtungin ang mga agriculture at fisheries production areas, coastal landing sites, at post-harvest facilities patungo sa mga pamilihan at major highways.

Dahil dito ay mababawasan ang transport at production cost ng mga magsasaka dahilan para sila ay kumita nang mas malaki.

Ang standard cost para sa FMR ay itinakda ng DPWH sa P15,000 kada metro at maaaring mas mapababa pa sa P10,000 kada metro depende sa kondisyon.

Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), inilaan ang P33 bilyon para sa FMR projects. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here