Home HOME BANNER STORY Katawang natagpuan sa baba ng Kennon Road kumpirmadong kay Cabral – Remulla

Katawang natagpuan sa baba ng Kennon Road kumpirmadong kay Cabral – Remulla

266
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Sabado, Disyembre 20 na ang katawan ng isang babaeng natagpuan sa Tuba, Benguet ay kay dating Department of Public Works and Highways undersecretary Catalina Cabral.

“Yes, DNA, fingerprints results are consistent na siya ‘yun,” ani Remulla.

Samantala, sa hiwalay na panayam ng DZBB kay Remulla, sinabi nito na nakita sa autopsy na walang foul play sa nangyaring insidente.

“‘Yung autopsy po ay number one, no signs of foul play. Wala pong ligature marks, wala pong sinakal, wala pong gunshot wound, wala rin pong knife wounds. So ang kaniyang cause of death as determined by autopsy is blunt force trauma from the fall,” sinabi ni Remulla.

Inilarawan ng Kalihim na si Cabral ay nagtamo ng severe injuries.

“So ‘yung kanang bahagi po ng mukha niya ay sira. ‘Yung likod ng ulo niya ay basag din. Ang kaniyang rib sa kanan rin ay tinusok ang kaniyang internal organs. Tapos ang parehong kaniyang kamay ay bali rin. So far, no signs of foul play,” ayon pa kay Remulla.

Bumagsak si Cabral 30 metro mula sa gilid ng Kennon Road na katulad ng pagbagsak sa 10-storey na gusali.

“Consistent siya na blunt force trauma ang cause of death,” aniya.

Ipinunto rin nito na walang senyales ng foul play kaugnay sa pagkamatay ni Cabral.

“So far, no signs of foul play. ‘Yung kaniyang kotse ay walang nakitang [signs of] struggle ‘yung lugar na ‘yun ay walang nakakita ng kahit anumang anomalya doon.”

Sa kabila nito, nananatiling person of interest sa kaso si Ricardo Hernandez, ang drayber ni Cabral.

Nang tanungin naman sa posibilidad na sadyang itinulak si Cabral sa gilid ng kalsada, sinabi ni Remulla na, “Noong 8 a.m. una sila nang dumaan du’n, lumabas na siya ng kotse, napatigil du’n at umupo na po kung saan siya tumalon. Nakita lang siya ng pulis.”

“Bumalik siya ng kotse at umakyat ng hotel. Pag-akyat ng hotel, mag-isa naman siyang tumira roon. Tapos after one hour bumaba rin tsaka siya bumaba na naman sa very same spot at du’n na nakita nangyari lahat,” pagpapatuloy ni Remulla.

Wala ring natagpuang suicide note kaugnay sa pagkamatay ni Cabral.

“Wala kaming nakuhang suicide note. So we have to assume that this is a mental health issue,” sinabi ni Remulla.

Nakikipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa pamilya ni Cabral sa pag-retrieve ng cellphone nito.

“Ang sabi ng husband ay after cremation daw.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here