Home NATIONWIDE Bamboo rehabilitation program, solusyon ng Biliran vs pagbaha

Bamboo rehabilitation program, solusyon ng Biliran vs pagbaha

279
0

MANILA, Philippines – Ginagamit ng pamahalaang panlalawigan ng Biliran ang Bamboo Rehabilitation Program bilang solusyon sa pagbaha sa lalawigan habang nagsisilbi ring pagkakakitaan ng mga residente.

Aabot sa 100 punla ng kawayan ang itinanim sa mga pampang ng ilog sa Barangay Agpangi at Barangay Sabang sa bayan ng Naval nitong Miyerkules.

Pinangunahan ni Biliran Governor Rogelio Espina ang aktibidad kasama ang mga kawani ng provincial government bilang bahagi ng pagpapatibay sa natural na depensa ng lalawigan laban sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Pinili ng pamahalaang panlalawigan ang bayog bamboo dahil sa mahalagang papel nito sa pagprotekta sa mga komunidad.

Kilala rin ang naturang uri ng kawayan sa pagiging maraming gamit tulad sa konstruksiyon, paggawa ng muwebles at maging pagkain.

Sa pahayag ng provincial government nitong Huwebes, inaasahang makatutulong ang mga bagong tanim na punla sa pagpapatatag ng mga pampang ng ilog, pagpigil sa soil erosion at pagbawas ng pinsala sa mga tulay at iba pang mahahalagang imprastraktura.

Dagdag pa sa ulat, nagsisilbi ring epektibong carbon sink ang kawayan dahil sumisipsip ito ng carbon dioxide at naglalabas ng oxygen, habang pinapabagal ang daloy ng tubig tuwing malalakas ang ulan kaya nakababawas sa panganib ng pagbaha.

Binigyang-diin ni Espina ang pangmatagalang epekto ng proyekto at sinabi na magsisilbing “tagapangalaga ng ating mga pampang ng ilog at pundasyon ng green economy” ang mga punla.

Muli rin niyang tiniyak ang patuloy na pagpapalawak ng bamboo planting sa lahat ng pangunahing river system sa Biliran.

Bukod sa 100 punla na naitanim na, kasalukuyan pang nagpaparami ang pamahalaang panlalawigan ng karagdagang 3,000 punla ng kawayan na itatanim sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here