MANILA, Philippines – Inalis ng Court of Appeals (CA) ang terrorist designation laban kay dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves at idineklarang “walang basehan at hindi nararapat” ang ipinataw na tag ng Anti-Terrorism Council (ATC).
Sa 45-pahinang desisyon na inilabas noong Disyembre 18, pinaboran ng CA ang petisyon ni Teves na alisin ang kanyang pangalan sa listahan ng mga itinuturing na terorista ng ATC, kabilang ang kanyang kapatid na si Arnolfo Teves at 11 iba pa, kaugnay ng pagpaslang kay dating Gov. Roel Degamo noong 2023.
Inalis din ng korte ang freeze order sa mga ari-arian ni Teves, kahit wala naman umanong naisampang kaso laban sa kanya ng ATC kaugnay ng mga paratang.
Ayon sa CA, kung totoo umanong sangkot si Teves sa mga mabibigat na krimen, nararapat lamang na siya ay kasuhan batay sa mga aktong kanyang ginawa at hindi basta lagyan ng terrorist label.
Naaresto si Teves noong Hunyo 2024 dahil sa umano’y pagpopondo sa isang lokal na teroristang grupo ngunit kalaunan ay pinalaya matapos magpiyansa ng P600,000.
Binatikos ng korte ang ATC dahil sa kabiguang ipaliwanag kung paano umano gumawa ng mga aktong terorismo si Teves, na ayon dito ay malinaw na indikasyon ng grave abuse of discretion.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Ruben Reynaldo Roxas, kasama ang pagsang-ayon nina Associate Justices Lorenza Bordios at Eduardo Ramos Jr., sinabi ng CA na ang naging basehan ng ATC ay nag-ugat sa maling pag-unawa sa mga pangyayari at maling aplikasyon ng Anti-Terrorism Act (ATA).
Bagama’t kinilala ng korte ang kahalagahan ng paglaban sa terorismo, iginiit nito na hindi ito dapat isagawa kapalit ng paglabag sa karapatang pantao at due process.
Binigyang-diin din ng CA na ang desisyon ay hindi pagtalikod sa layunin ng gobyerno laban sa terorismo, kundi paalala sa mas maingat at epektibong pagpapatupad ng batas. RNT/JGC