Home OPINION HINDI ISYUNG PULITIKAL KUNDI PANANAGUTAN

HINDI ISYUNG PULITIKAL KUNDI PANANAGUTAN

284
0

ANG kasong inihain ng United People Against Corruption laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, resigned congressman Zaldy Co, at QC 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas ay hindi simpleng isyung pulitikal.

Isa itong pagsubok kung may saysay pa ba ang prinsipyo ng pananagutan sa harap ng malinaw na datos, paulit-ulit na trahedya, at naglalakihang pondo ng bayan.

Sa batas, malinaw ang konsepto ng “abuse of rights at unjust enrichment”. Kapag ang isang opisyal ay binigyan ng kapangyarihan at pondo para sa isang tiyak na layunin tulad ng flood control dapat may kaakibat itong obligasyon na maghatid ng kongkretong resulta.

Kung umaabot sa halos P1 bilyon kada taon ang inilaan, at P2.86 bilyon sa loob lamang ng tatlong taon, ngunit patuloy pa ring lumulubog sa baha ang Novaliches, may seryosong ligal na tanong na kailangang sagutin. Nasaan ang proyekto? Nasaan ang resulta? At kung wala, sino ang dapat managot?

Mahalagang punto ang desisyon ng UPAC na magsampa ng civil case imbes na criminal complaint. Sa larangan ng batas, praktikal ito. Ang layunin ay hindi lamang parusahan, kundi mabigyan ng danyos ang mga direktang biktima at walang iba kundi ang mga residenteng paulit-ulit nawawasak ang bahay, kabuhayan, at dignidad tuwing umulan. Sa isang sistemang mabagal at madalas napupulitika ang kriminal na kaso, ang civil action ay mas tuwirang paraan upang maibalik kahit paano ang nawalang katarungan.

Ang argumento na “hindi aksidente ang baha” ay may bigat. Ang baha ay nagiging ebidensiya sa pisikal na patunay ng kapabayaan. Sa batas, ang kapabayaan na may malinaw na pinsala at malinaw na pondo ay hindi basta opinyon kundi isa itong justiciable issue. Ang class suit na inihain ay nagsisilbing paalala na ang taumbayan ay hindi lamang botante, kundi may karapatang maghabla.

Ang mariing pagtanggi ni Vargas at ang pagsusumite ng dokumento ay bahagi ng due process, at nararapat lamang igalang. Ngunit sa huli, korte ang huhusga, hindi press release. Kung mapatutunayang walang anomalya, mabuti. Ngunit kung mapatunayang ginamit ang pondo nang walang malinaw na pakinabang sa publiko, dapat manaig ang batas.

Ang baha sa Novaliches ay hindi lamang tubig. Ito ay simbolo ng lumulubog na tiwala ng mamamayan. At sa mata ng batas, kapag may pondo at walang resulta, hindi na ito pulitika, ito ay hindi maitatangging PANANAGUTAN.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here