HINDI na maikakaila ang mga shabu na nasabat sa Laos at Thailand bago makarating sa mahal kong Pinas.
Sa Laos, nakumpiska ang 521 kilong shabu habang sa Thailand, nakumpiska naman ang 1.2 tonelada.
Nadiskubre ang 521 kilong droga sa Luang Prabang International Airport sa Laos at sa Gulf of Thailand naman ang 1.2 tonelada.
Isasakay sana ang droga sa Laos sa isang pribadong jet habang nakasakay na sa isang lantsang pangisda ang nasa Thailand at ikakarga na lang sa isang barko.
Ang jet at barko ay sinabing papunta lahat sa Pilipinas.
Sa tantiya ng Philippine Drug Enforcement Agency, may kabuuang halaga na P11 bilyon ang mga droga.
Anak ng tokwa, mas malaki pa ang bulto at halaga nito sa iniulat ng ating gobyerno na nakumpiska nito at sinira na simula noong Enero hanggang Setyembre 2026.
Paano nga kaya kung nakarating sa Pinas ang mga drogang ito?
JET PABALIK-BALIK SA PINAS
Matindi ang natagpuang ng mga imbestigador sa Laos, kasama ang Malaysia na tila dito nakabase ang private jet.
Makawalo nang biyahe umano ng jet mula Malaysia patungong Laos at sa pang-9, dito na nadiskubre ang iligal nitong mga kargada.
Sa Pilipinas ba talaga ipinarating ang lahat ng droga na ibiniyahe ng jet?
Gaano kadalas na rin kaya nakapagdeliber sa Pinas ang nahuli sa Thailand?
Bahagi ba ito ng mga lumulutang na shabu na natatagpuan sa mga baybayin ng Zambales, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Ilocos Sur at Cagayan?
Kung nakarating lahat sa Pinas ang mga biyahe ng mga barko at jet, napakalaki ang problema natin sa droga.
At hindi na nakapagtataka kung bakit mabilis na lumobo ang bilang at matatagpuan muli kahit saan ang mga adik at pusher…na karaniwang gumagawa na rin ng mga krimen mula sa pagpatay, pag-rape, pagnanakaw at iba pa.
Naging matagumpay ang giyera sa droga sa panahon ni ex-President Digong Duterte ngunit muling nabuhay at sumigla ang negosyo rito makaraan.
Napasok na nga rin nito mismo ang Palasyo ng Malakanyang, ayon mismo kay Senador Imee Marcos.
DRUGLORD INGINUSO NA?
Sa lumalabas na mga balita, may mga itinuturo nang druglord ng mga pulis-Laos at Malaysia na may gawa ng mga importasyon ng nasabing mga droga.
Ayon sa ating mga awtoridad, aktibo silang nakikipag-ugnayan sa Laos at Malaysia at international police sa pagtukoy sa nasa likod ng droga.
Kaya naman, kailan kaya tayo makababalita sa PDEA at Philippine National Police.
Mga sir, Director General Isagani R. Nerez ng PDEA at General Jose Melencio Nartatez Jr., chief ng PNP, musta kayo riyan kaugnay ng mga kasong ito?
Paano kung lalabas na matataas na opisyal ng gobyerno ang nasasangkot sa importasyon at pagpapakalat ng droga sa buong bansa?
Naghihintay ang mga mamamayan ng magandang balita mula sa inyo hindi lang para makilala ang mga druglord kundi mahuli, makulong at masampahan na rin ng mga kaukulang demanda.
Tinatanong na rin ng ating Uzi kung oks sa inyo at isulong na rin ang nakabinbing panukala sa Kongreso na bitay ang dapat ipataw na parusa sa mga druglord.






