Home OPINION MAGHUNOS-DILI SA GIYERA SA WPS

MAGHUNOS-DILI SA GIYERA SA WPS

1
0

DAPAT maghunos-dili ang sinomang gustong pumasok sa giyera sa sigalot sa West Philippine Sea.

Tugon ito sa mga marites na nagsasabing may mga Pinoy na takot o traydor na makipagsagupa sa sinomang makikilalang kaaway ng bansa.

Walang kuwestiyon sa tapang at pagiging makabayan ang mga Pinoy sa pagtatanggol sa mahal nating Pinas laban sa dayuhang nais na puminsala sa atin sa anomang larangan, maging sa usaping pang-teritoryo.

Ngunit dapat ikonsidera ang napakaraming bagay bago tayo mapilitang lumusong sa digmaan.

Halimbawa, nasaan ang sapat at epektibo nating mga armas laban sa makabagong mga armas ng mga kalaban?

Kitang-kita ang pangangailangan ng mga katapat ng mga makabagong armas upang hindi natin maranasan ang durugan sa pagitan ng Russia at Ukraine at ng Iran at US at mga kaalyado nitong bansa sa Gitnang Silangan.

Walang ligtas na lugar dahil mismong ang mga sentro ng bansa at pamahalaan ay dinudurog gaya ng Moscow sa Russia, Kyiv sa Ukraine, Teheran sa Iran, Riyadh sa Saudi Arabia at iba pa.

Isa pa, sino-sino ba talaga ang ating mga kaaway?

May mga nagsasabing mismong ang mga nagpapakita ng pakikipag-alyansa sa Pinas ay sa kanila nagmumula ang ating mga kaaway.

Sa giyerang Russia at Ukraine at United States at Iran at iba pang nasasangkot sa mga digmaan dito, andyan ang trayduran makaraang isubo sa giyera ang mahihinang bansa.

“Yung malalaki at makapangyarihang bansang nagsusulsol sa maliliit na bansa para makipaggiyera, nagkakampihan din dahil sa malalaking interes at negosyo nilang pihoprotektahan at isinusulong.

Higit nilang interes ang pagbebenta ng armas, langis at pagtiyak ng daluyan ng kanilang mga negosyo at maraming iba pa para sila kumita.

Ang ang mga bansang direkta at binubuyong maggiyera sa isa’t isa, kahit sa ngalan ng teritoryo, sila ang higit at tunay na napipinsala sa buhay, ari-arian, pambansang ekonomiya at kinabukasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here