Home OPINION ESPESYAL NA TRATO KAY ROMUALDEZ

ESPESYAL NA TRATO KAY ROMUALDEZ

311
0

NANININDIGAN si Department of Public Works and Highways Sec. Vince Dizon na dapat sampahan ng kaso si dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa multi-bilyong pisong anomalya sa flood control projects.

Sa year-end press conference ni Sec. Dizon noong nakaraang Huwebes, inirerekomenda ng kanyang departamento ang pagsasampa ng kaso laban sa 87 indibidwal. Pinakamataas sa listahan si Romualdez at si dating House Appropriations Committee chairman Zaldy Co.

Ilang taon nagtagal ang modus ng dalawa. Bilyon-bilyong pisong pondo ng gobyerno ang nasayang at pinaghati-hatian ng mga sangkot na mandarambong, habang libo-libong pamilya ang patuloy na binabaha taon-taon. Ngunit tila walang aksyon mula kay Ombudsman Boying Remulla para panagutin si Romualdez.

Sa kaso kay Co, kahit papaano’y may malinaw nang hakbang: may graft at malversation complaints, ilan sa kanyang arrest warrants ay nailabas na, at nakansela ang passport. Ang ilan sa maliliit na sangkot ay naaresto na rin. Kahit malayo pa ang hustisya, may simula na sa pagkamit nito.

Nakababahala ang kawalang-galaw ng kaso kay Romualdez. Noong Nobyembre, inirekomenda na ng Independent Commission for Infrastructure na sampahan siya ng kaso. Hanggang ngayon, wala pa ring aktwal na kaso mula sa Office of the Ombudsman, walang freeze order, at walang pormal na aksyon, kahit lumalakas ang mga alegasyon ng pagyaman nang hindi tama at pag-abuso sa kapangyarihan at pondo.

Kaya tumitindi ang hinala na may proteksyon si Romualdez mula kay Ombudsman Boying na magkapartido, alyado, at brod sa UP Upsilon Sigma Phi. Habang ang iba, kahit binura na sa listahan ng ICI, ay patuloy na idinadawit. Si Romualdez, tila may espesyal na trato.

Ang ‘selective justice’ na ito ay nagpapakita ng hindi pantay na pagpapatupad ng batas. Kung tunay na seryoso ang gobyerno sa pagsupil kontra korapsyon, lahat ng sangkot ay dapat pantay-pantay na haharap sa hustisya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here