MANILA, Philippines – Naghain na ng pormal na reklamo ang Department of Justice (DOJ) laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa ilang regional trial courts (RTCs) kaugnay sa pagkawala ng ilang sabungero, ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez nitong Lunes, Disyembre 22.
Ani Martinez, si Ang at iba pa ay sinampahan ng reklamong kidnapping with homicide maging ang kidnapping and serious illegal detention sa mga RTC ng Lipa City; Sta. Cruz, Laguna; at San Pablo, Laguna noong Disyembre 19.
“Under the Revised Rules of Criminal Procedure, the courts where the informations are filed will issue the corresponding warrants of arrest upon determination of the existence of probable cause based on the evidence submitted and the resolution of the panel of prosecutors,” sinabi ni Martinez.
Sa resolusyon, nakita ng DOJ prosecutors na ang sinumpaang salaysay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan at kapatid nitong si Ellakim, ay naglatag ng matibay na ebidensya na si Ang ang siyang may command responsibility at aktibong pakikialam sa pagpapadukot.
Naghain naman ng motion for reconsideration sa DOJ ang kampo ni Ang.
Sinabi ni Martinez na sa ilalim ng Department Circular No. 015, ang mga apela ay dapat maresolba sa loob ng 30 araw.
Samantala, ibinasura naman ng prosekusyon ang reklamo laban kay Gretchen Barretto, dating National Capital Region Police Office chief retired Police General Jonnel Estomo, at mga anak at iba pang kaanak ni Ang. RNT/JGC